Ang former Color It Red vocalist na si Cooky Chua na nagtago sa maskara at costume na sunflower ang nagpaalam noong Sabado ng gabi, April 30 sa Season 2 ng Masked Singer Pilipinas dahil siya ang tumanggap ng pinakamababang boto mula sa judge detectives na sina Aga Muhlach, Bayani Agbayani, Kim Molina, Matteo Guidicelli at Cristine Reyes.
Ang mga celebrity contestant na gumamit ng mga maskara at costume ng saging, kabute at candelabra ang mga nakatunggali ni Cooky sa reality singing competition ng TV5 at Viva Television.
Nanggaling sa isang all-girl group band, hango sa isang crossword puzzle ang pangalan ng kanilang banda at may anak sa isang aktor (Earl Ignacio) ang mga clue na ibinigay ni Cooky bago ito nag-perform bilang sunflower.
Si Bayani ang unang nakahula na si Cooky ang nasa likod ng sunflower costume sa nakaraang episode ng Masked Singer Pilipinas at nalungkot siya sa pagkakatanggal ng singer sa kanilang entertaining television show.
“Alam mo, gustung-gusto ko siyang bumalik. Ang galing-galing niya sobra,” ang may panghihinayang na reaksyon ni Bayani sa elimination ni Cooky.
“Mahirap, mainit sa loob,” ang sagot ni Cooky nang tanungin siya ng host na si Billy Crawford tungkol sa kanyang karanasan sa Masked Singer Pilipinas.
“Very fun at saka yung judges, very kind. Maraming-maraming salamat,” ang dagdag na pahayag ni Cooky tungkol sa brief stint nito sa reality singing competition na sinalihan niya.
Sa Season 1 ng Masked Singer Pilipinas noong nakaraang taon, ang tandem nina Cristine Reyes at Kim Molina ang madalas na nakakahula sa katauhan ng mga celebrity singer na nakasuot ng mga maskara at costume, pero sa Season 2, sina Bayani, Aga at Matteo ang namamayagpag dahil tama ang kanilang mga hinala.