Naging kontrobersiyal si Dexter Doria noong nakaraang taon dahil sa pahayag niyang handa siyang pumunta sa lahat ng lugar sa buong Pilipinas o mundo para patotohanan ang kanyang mga nasaksihan noong panahon ng martial law.
Read: Veteran actress Dexter Doria willing to testify what really happened during martial law
Pero sa tunay na buhay, sinabi ni Dexter na “corny” at walang kontrobersiya ang buhay nito nang itanong namin ang wildest memories niya bilang aktres na hindi pa nalalaman ng publiko.
“Wow! Ano kayang wildest memories ko?” nagulat na reaksiyon ni Dexter na ilang segundo na nag-isip bago sumagot.
Patuloy ng beteranang aktres, “Wala, bilang artista hindi ako kontrobersiyal. Darating ako sa set, gagawin ko ang trabaho ko.
“Wala akong mga itinatago maski na isipin niyo na nagkaroon ako ng boyfriend na artista. Wala! Napaka-corny po ng buhay ko.”
Ano naman ang sikreto ng halos limampung taong career niya bilang aktres?
Sagot ni Dexter, “Pakikisama talaga is number one, although marami talagang mga diva na dahil sa sila ay diva kaya naman sila nagtatagal.
“Very tricky ‘yan, kasi kapag nagtatagal ka na, rerespetuhin ka rin naman ng mga tao so hindi mo na kailangan na magpaka-diva.
“Para sa akin, galingan mo ang trabaho mo. Expected na ‘yan, gagalingan mo ang trabaho mo at saka hindi ka lang makikisama sa direktor at sa producer, pati sa lahat, pati sa utility because feeling entitled won’t get you anywhere.
“Kailangan talaga na you’re a regular fellow na nagtatrabaho kayo, nagtatrabaho tayong lahat. Pantay-pantay tayo, that is the secret.”
Nakausap ng Cabinet Files at iba pang entertainment writers si Dexter sa digital media conference ng Memories of a Love Story, ang comeback project sa Viva Films ng direktor na si Jay Altarejos. Bida rito sina Oliver Aquino at Migs Almedras.
Mahalaga ang karakter ni Dexter sa Memories of a Love Story at hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang project dahil si Altarejos ang direktor.
Tatlo ang best supporting actress awards ang natanggap ni Dexter sa panahon ng pandemya mula sa Gawad Urian, FAMAS, at Gawad Tanglaw dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Memories of Forgetting, na mula sa direksiyon ni Altarejos.
“The fact he gave me three best supporting actress awards, parang walang ibang nakakagawa niyan sa ibang directors ko ,and because of that, I have the highest respect for him.
"I cannot describe the fact na kapag si Jay ang tumawag sa akin, talagang nanginginig pa,” sabi ni Dexter tungkol sa pagkagiliw niya sa direktor na nakilala nang husto dahil sa trailblazing films na Ang Lihim ni Antonio (2008) at Parola (2007).