May network war na namumuo sa pagitan ng Net25, ang television network na pinamumunuan ng mga opisyal ng Iglesia Ni Cristo (INC), at ng TV5, na pagmamay-ari ni Manny Pangilinan.
Ibinalita sa Mata ng Agila, ang news program ng Net25, na trending sa Twitter Philippines ang #BoycottFakeNews5 dahil sa diumano’y "mali at malisyosong" ulat ng News5 tungkol sa bloc voting ng INC.
Inanunsiyo ng simbahan noong May 4, 2022 ang pagsuporta sa kandidatura nina presidential contender Ferdinand Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa darating na May 9 elections.

Sa report ng Frontline Pilipinas ng News5, umalma diumano ang ilang miyembro ng INC dahil sa pag-endorso ng simbahan sa tandem nina Marcos at Duterte.
Giit nila, wala raw paliwanag kung paano napili ang dalawang kandidato,” ang bahagi ng ulat ng Frontline Pilipinas.
Binatikos ng Net25 ang lumabas na balita, at inakusahang mga nagpapanggap na miyembro ng INC ang nakapanayam sa ulat ng News5 dahil mali-mali ang mga sinabi at ginamit na termino.
Sabi ni Wej Cudiamat, news anchor ng Mata ng Agila, "Ayon sa isang source, staff pala ng TV5 ang ininterbyu at tinakpan lang ang mukha para palitawing INC member ito."
Hindi rin daw hiningi ng News5 ang panig ng INC tungkol sa isyu.
Gayunpaman, sinubukan ng Net25 na kunin ang pahayag ng News5, at bukas ang himpilan nito para sa paliwanag ng nabanggit na television network tungkol sa trending #BoycottFakeNews5.
At press time, wala na ang link ng report ng News5 tungkol sa mga miyembro ng INC na umalma umano dahil sa pag-endorso.
Bukas ang PEP.ph sa pahayag ng TV5 tungkol sa mga paratang ng Net25.