Tinatayang one million ang bilang ng mga supporter nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan na dumalo sa kanilang miting de avance na ginanap kahapon, May 7, 2022, sa Ayala Avenue, Makati City.
Isang milyon din ang estimated crowd na nagpunta sa Aseana City sa Parañaque City para sa huling campaign rally ng tandem nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte, kaya hindi naiwasan na marami ang mga basura na naiwan sa mga nabanggit na lugar.
Ang team na in-charge sa paglilinis sa mga kalat na iniwan ng mga supporter ng UniTeam at Team Robredo-Pangilinan (TRoPa) ang aming tinanong tungkol sa paglilinis na kanilang ginawa matapos ang mga miting de avance na winakasan ng alas-dose nang hatinggabi.
May mga saksi sa paglilinis na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa oras na ginugol para matanggal ang mga basura.
At presstime, 4 pm, May 8, hindi pa tapos maglinis ang team na nakadestino sa Aseana City dahil sa dami ng mga kalat na iniwan ng mga BBM supporter sa malawak na lugar na pinagdausan ng miting de avance.
Alas diyes naman ng umaga ngayong Linggo nang ganap na matapos ang paglilinis at paghahakot ng mga basura na iniwan ng TRoPa supporters sa Ayala Avenue kaya nadaraanan na ito ng mga sasakyan.
May mga halaman na nasira sa Ayala Avenue dahil sa libu-libong tao na sumipot sa miting de avance nina Robredo at Pangilinan, pero napaghandaan ito na mabuti ng Ayala Property Management dahil nilagyan nila ng safety nets ang mga halaman at nakahanda ang mga pamalit sa mga halaman na naperwisyo ng mga tao.
