Makalipas ang labing-siyam (19) na taon, nagpaalam na sa telebisyon ang Ellen, ang popular talk show ng American actress at television host na si Ellen DeGeneres.
Sina Jennifer Aniston, Billie Eilish, at Pink ang mga special guest sa farewell show ni Ellen.
Napaluha si Ellen nang magpaalam siya nitong Huwebes, May 26, 2022, sa viewers ng kanyang sikat na programa.
“This show has forever changed my life. It is the greatest experience I’ve ever had beyond my wildest imagination.
“Thank you so much for being on this journey with me. I feel the love and I send it back to you, bye…” malungkot na pagpapaalam ni Ellen sa lahat ng mga tumangkilik sa kanyang TV show na halos dalawang dekadang napanood sa telebisyon.
Kabilang ang former actress na si Bunny Paras sa mga mapalad na naimbitahan sa taping ng final episode ng Ellen noong April 11, 2022.

Pero hindi muna siya nagkuwento tungkol sa mga karanasan niya dahil sa confidentiality agreement na pinirmahan ng lahat ng mga bisita sa audience gallery ng Warner Bros Studios sa Burbank, California.
Ang partisipasyon ni Bunny sa farewell season ng Ellen ang pangatlong beses na nagsadya siya sa studio ng programa.
Nakasama ni Bunny sa una at pangalawang beses na pagpunta niya sa studio ng Ellen ang kanyang anak na si Moira.

Read: Bunny Paras so proud of daughter Moira for rising above her disability
Mapalad ang pakiramdam ni Bunny dahil naging bahagi siya ng makasaysayang pagwawakas ng TV program ni Ellen.
Sumailalim sa COVID-19 test at nagpakita ng vaccine certification ang lahat ng mga imbitado sa taping ng farewell episode bago sila pinapasok sa studio bilang pag-iingat laban sa coronavirus.

Hindi malilimutan ni Bunny ang panonood niya ng huling taping ng Ellen dahil kasama siya sa mga tumanggap ng 65-inch flat screen TV set na regalo ni Ellen sa lahat ng mga bisita sa audience gallery.