Si Senator-elect JV Ejercito ang isa sa mga galit na galit nang mapanood niya ang viral video ng security guard na si Christian Floralde na binangga at sinagasaan ng driver ng puting Toyota RAV4 SUV, na may plate number na NCO 3781.
Nangyari ang insidente sa intersection ng Doña Julia Vargas Avenue at St. Francis Avenue sa Mandaluyong City, kahapon, June 5, 2022.
Read: Driver na sumagasa sa security guard, posibleng kasuhan ng frustrated homicide
"That driver has to be located! I don´t mind punching him myself! What a heartless crook!" galit na pahayag ni Ejercito.
Naglaan ang incoming senator ng pabuyang P50,000 para sa taong makapagtuturo sa driver na sinadyang sagasaan ang pobreng biktima na kasalukuyan na nakaratay sa ICU ng VRP Medical Center sa Mandaluyong City.
"Putting up a P50K reward for any info regarding this evil and idiot driver who purposely ran over a traffic enforcer," pahayag ni Ejercito.
Inilabas ni Ejercito sa kanyang Twitter account ngayong Lunes ng gabi, June 6, ang kumpletong pangalan ng suspect at ang panawagan niya ritong "turn yourself in."
May positibong resulta ang ginawa ni Ejercito dahil ilang oras matapos ang apela niya, nakipag-ugnayan sa kanya ang kampo ng suspect.
“Owner of Toyota RAV4 driven by his son sent message for me through an emissary that they will shoulder the medical expenses of the guard and that they will face the consequences," tweet ni Ejercito na nakatutok nang husto sa kaso ni Floralde.