Mabait at responsableng anak.
Ito ang paglalarawan ng ina ni Jose Antonio Sanvicente, ang suspect sa pagbangga at pagsagasa sa security guard na si Christian Floralde ng Raptor Security Agency sa hit-and-run incident na nangyari sa Mandaluyong City noong June 5, 2022.
Read: Security guard, walang awang ginulungan ng driver ng isang RAV4 SUV
Lahad sa ina ni Sanvicente, “Hindi ho kami makatulog. Hindi kami makakain.
"Siyempre, anak namin ang involved. Saka nag-viral na, di ba? Nasisira na ang buhay ng anak ko.
“For any parent ba, ganoon ba ang gusto niyo sa anak niyo?"
Dagdag nito, "Mabait yung anak ko. Nagtatrabaho siya. He is a very responsible man.
"I think, ito, aksidente naman talaga ‘to. Lumaki lang talaga nang lumaki.
"And I feel so sad, kasi ano na ang mangyayari sa future ng anak ko, di ba? Maayos ang anak ko.
"Sino ba ang may gusto na takbuhan yun? Siyempre, na-rattle na rin siya, di ba?"
Sinamahan ng kanyang mga magulang si Sanvicente nang sumuko ito kay Philippine National Police Officer-In-Charge Lt. General Vicente Danao Jr. ngayong Miyerkules, June 15, 2022.

Nagbigay ng babala si Danao na hintayin ng suspect ang ilalabas nang warrant of arrest dahil nagsampa na ng frustrated murder case ang Mandaluyong Police.
Kasama ang kanyang mga magulang at legal counsel, humarap si Sanvicente sa press briefing na ginanap sa Camp Crame.
Pero ipinaubaya niya sa kanyang ama, ina, at legal counsel na si Atty. Danny Macalino ang pagsasalita pagkatapos humingi ng paumanhin kay Floralde.
“My apologies sa nangyari. My apologies kay Mr. Floralde at kanyang pamilya,” tanging pahayag ni Sanvicente.
Nangako naman ang kanyang ama na tutulong sa pagpapagamot kay Floralde basta may kinalaman sa pinsalang tinamo ng katawan nito dahil sa hit-and-run incident.
Isinuko rin ni Sanvicente sa Camp Crame ang Toyota Rav4 na kanyang minamaneho nang banggain at sagasaan niya si Floralde.
Dalawang beses hindi sinipot ni Sanvicente ang show-cause order ng Land Transportation Office noong June 7 at June 10 para maipaliwanag niya ang panig. Dahil dito, permanente nang ni-revoke ang kanyang driver's license at ang parusang habambuhay na siyang hindi puwedeng magmaneho ng sasakyan.