Always ang working title ng pelikulang gagawin nina Kim Chiu at Xian Lim para sa Viva Films.
Ang Always ang reunion project ng real-life couple na huling napanood sa All You Need is Pag-ibig, ang romantic-comedy movie na official entry sa 41st Metro Manila Film Festival noong December 2015.
Magsisimula bukas, June 22, 2022, ang lock-in shooting ng cast ng Always, na ididirek ni Dado Lumibao.
“I missed sharing the big screen with you,” social media post ni Xian tungkol sa muling pagsasama nila ni Kim sa isang project na ikinagalak ng kanilang mga tagahanga.
Lino ang pangalan ng karakter na gagampanan ni Xian, at Anna naman ang gagampanan ni Kim sa Always.
Sina Ivan Padilla, Joko Diaz, Ali Khatibi, Gab Lagman, Carlene Aguilar, Yayo Aguila, Vincent Soberano, at Lander Vera-Perez ang ilan sa mga artistang makakasama nina Kim at Xian sa Always.
Hindi lamang ang pelikula nina Kim at Xian ang gagawin ng Viva Films dahil pinaghahandaan na rin ang possible entry ni Vice Ganda para sa 48th Metro Manila Film Festival sa December 2022.
Dalawang taon (2020 at 2021) na hindi gumawa ng pelikula si Vice para sa Metro Manila Film Festival dahil sa coronavirus pandemic.
Ang The Mall, The Merrier ang huling pelikula ni Vice na official entry sa Metro Manila Film Festival noong 2019.
Si Ivana Alawi ang isa sa mga napipisil na co-star ni Vice Ganda sa pelikulang balak isali ng Viva Films at Star Cinema sa film festival sa December 2022.