“Put loyalty above all else except integrity.”
Ito ang paalaala ni Senator Panfilo "Ping" Lacson Jr. sa kanyang mga tauhan na lilipat at maglilingkod sa tanggapan ni Senator-elect Robin Padilla.
Ipinarating ni Lacson sa kanyang Senate staff ang mensahe niya sa pamamagitan ng isang Instagram post.
Pahayag niya, “Four members of my Senate staff are joining the office of Senator Robin Padilla.
"My only advice to them: Put loyalty above all except integrity.
"I trust that they will last beyond '10,000 Hours' working under him."
Binanggit ni Lacson sa payo nito sa kanyang staff ang 10,000 Hours dahil ito ang pamagat ng action-thriller movie na pinagbidahan ni Robin noong 2013.
Ginamit niya sa kanyang Instagram post ang poster ng pelikula.
Official entry sa 39th Metro Manila Film Festival ang 10,000 Hours.
Inspirasyon ng kuwento nito ang kontrobersiyal na pag-alis ni Lacson sa Pilipinas noong January 5, 2010 bago siya sinampahan ng kaso dahil sa pagkakadawit ng pangalan niya sa Dacer-Corbito double murder case noong November 24, 2000.
Si former police senior superintendent Cezar Mancao II ang nagparatang na si Lacson ang mastermind sa pagpatay kay Salvador Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito, isang mabigat na akusasyon na mariing itinanggi ng senador.
Sa loob ng 10,000 hours o halos labinlimang buwan, naging fugitive o tumakas si Lacson mula sa batas.
Namataan noon sa Hong Kong at Rome ang senador pero hindi ito dinakip.
Noong February 3, 2011, binawi ng Court of Appeals ang murder charges laban kay Lacson dahil sa kanilang desisyong hindi credible at trustworthy witness si Mancao.
Bumalik si Lacson sa Pilipinas noong March 26, 2011 dahil pinagtibay ng Korte Suprema ang pasya ng Court of Appeals.
Noong 2015, humingi si Mancao ng paumanhin kina Lacson at former President Joseph Estrada dahil idinamay niya ang dalawa sa kaso ng pagpaslang kina Dacer at Corbido.
Sa isang interbyu, ipinagtapat ni Mancao na wala itong personal na kaalaman sa pagkakasangkot nina Lacson at Estrada sa murder case dahil may pumuwersa lamang sa kanyang idawit ang pangalan ng mga nabanggit na personalidad.
Hindi nalalayo sa karanasan ni Lacson noong 2010 ang kuwento ng 10,000 Hours.
Si Lacson ang pumili kay Robin para gampanan ang karakter ni Senator Gabriel Alcaraz kaya noon pa man, may koneksiyon na sila sa isa’t isa.
Inanunsiyo ni Lacson ang kanyang pagreretiro sa public service noong May 10, 2022, isang araw matapos ang pambansang halalan.
Read: Tito Sotto, tanggap ang pagkatalo; Ping Lacson, magreretiro na sa pulitika