“Oh my God! Oh my God! OA na ito!”
Ito ang paulit-ulit at hiyang-hiyang sabi ni outgoing Vice-President Leni Robredo habang sakay ng bullet-proof SUV dahil sa pinatunog na wang-wang o sirena ng kanyang sasakyan.
Naranasan niyang gamitin ang wang-wang sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng anim na taong panunungkulan.
Pumayag si Robredo na gamitin ang wang-wang ng sasakyan dahil hindi niya napahindian ang huling kahilingan ng kanyang security personnel.
Kahapon, June 29, 2022, ang huling araw ng pagpasok ni Vice-President Leni Robredo sa kanyang opisina sa 10th Street, New Manila, Quezon City.
Puwede itong lakarin mula sa condominium building sa Morato Avenue na tinitirhan nila ng mga anak niya.
“Yung hindi namin ginawa na sana protocol para sa VP ay gawin namin ngayong umaga, ang first and last time.
"So ngayon, pagbibigyan ko sila, ako naman yung susunod. Pero nahihiya ako.
“So, gagawin namin ngayon bilang challenge, gagawin namin yung wang-wang.
"Pero lalabas lang kami sa 11th Street gate papunta sa 10th Street gate, dun lang nila ako napapayag,” kuwento ni Robredo bago nila ginawa ang wang-wang challenge na nagbigay sa kanya ng stress dahil hiyang-hiya siya.
“Oh my God… oh my God!” bukambibig ni Robredo habang tumutunog ang wang-wang at binabaybay ng kanilang sasakyan ang maiksing distansiya ng kalye.
“Naririnig ko ang wang-wang. Ang wala lang ngayon na dapat sana meron, e, yung hagad.
"Kasi never kaming nag-hagad saka ambulansya kasi nakakahiya naman manghiram ng ambulansya all of a sudden.
“Siguro less than five minutes ang exercise na 'to pero gagawin natin.
"Natatawa ako. Nakakahiya!" tawang-tawang sabi ni Robredo, na parang bata habang nagsasalaysay tungkol sa hamon na ipinagawa sa kanya ng security staff niya.

Habang papunta siya sa Office of the Vice-President, ikinuwento ni Robredo na walo ang car convoy na ibibigay sa kanya ng Presidential Security Group nang mag-umpisa noong July 2016 ang panunungkulan niya.
Pero tumawad siya.
“Apat na cars yung convoy namin. Naalaala ko pa yung pagkapanalo ko as Vice-President na may meeting with the PSG.
“Sinasabi sa akin, eight-car convoy, so nagtawad ako nang nagtawad hanggang na-trim down namin to four,” pagbabalik-tanaw ni Roberdo.
Pinili ni Robredo na mag-opisina siya sa Quezon City para makatipid sa renta dahil mas mahal ang upa sa Coconut Palace, ang dating tanggapan ni Vice-President Jojo Binay.
Nang dumating siya sa Office of the Vice-President kahapon, tuluyan nang napagtanto ni Robredo na tapos na ang kanyang panunungkulan.
Nakasabit na ang larawan niya sa dingding, kahanay ng mga larawan ng ibang mga personalidad na naglingkod bilang pangalawang pangulo ng bansa.
Saad niya, “So, yung bago ngayon ay talagang patapos na kami. Wala na akong choice... talagang umalis, nakakabit na yung aking portrait. I guess, parang ano ito, tradition of sorts,”
Naging abala pa rin si Robredo sa huling araw ng kanyang panunungkulan dahil tinapos niya ang mga nalalabing trabaho at responsibilidad bilang ika-labing-apat na bise-presidente ng Republika ng Pilipinas.