Ang kapwa sexy star na si Christine Bermas ang ipinalit kay AJ Raval bilang bida sa remake ng Scorpio Nights, ang 1985 blockbuster erotic thriller film ng direktor na si Peque Gallaga.
Alam ni Christine na second choice siya dahil tinanggihan ni AJ ang proyekto, pero naniniwala siya na para sa kanya talaga ang pelikula.
“Originally kay AJ Raval po talaga ito. Nirerespeto ko naman po kung ano yung desisyon. May sinabi si AJ before na baka deserve ng iba yung work and natuwa naman po ako.
“Parang gumaan po yung pakiramdam ko. Okey po kami ni AJ. Actually, nag-usap kami [sa Summer Caravan ng Vivamax], nagkaroon kami ng konting usapan about Scorpio Nights.
“Natutuwa nga raw po siya na sa akin napunta yung Scorpio Nights. Sinabi ko naman sa kanya na gagawin ko yung best ko for this film.
"In good terms po kami ni AJ. Binigyan niya ako ng some advices,” kuwento ni Christine na may iba sanang pelikulang gagawin na pamamahalaan ni Joel Lamangan.
Pero inalis sa cast dahil siya nga ang naging kapalit ni AJ sa remake ng Scorpio Nights na mula naman sa direksyon ni Lawrence Fajardo.
Ang Scorpio Nights ang itinuturing ni Christine na pinakamatindi sa lahat ng sexy movies na ginawa niya at nagpapasalamat siya dahil mahuhusay ang kanyang mga kasama, sina Mark Anthony Fernandez at Gold Aceron.
“In real life, sobrang conservative ko, pero sine-separate ko talaga yung life ko sa work. Parang ang ginagawa ko, nagiging split personality ako.
"Yung pagpapaseksi ko, ibang Christine iyan, pero siguro sa some movies na nagawa ko, merong pagkakatugma sa real life ko.
“Sobrang gaan nila na katrabaho [Mark at Gold]. Sobrang professional nila. Alam mo sa sarili mo na you need to adjust kasi parang matagal na silang mga aktor.
“So, ikaw as a newcomer actress, kailangan mo na i-level din yung self mo pero at the same time, hindi nila ako pinabayaan. Tinutulungan talaga nila ako sa scenes namin, especially sa mga intimate scene na ginawa namin.
"Sobrang bait nila at marespeto silang dalawa.”
Hindi nagpapaapekto si Christine sa mga nagsasabi na hindi siya ang dapat na magbida sa Scorpio Nights dahil sa kanyang paniniwala na ibinibigay ng Diyos sa lahat ang mga nararapat.
“Ginagawa ko lang ang job ko. Alam ko sa sarili ko na mahal ko ang trabaho ko," reaksyon ni Christine sa kanyang bashers.
"So if yung ibang tao, magku-question sila, kahit hindi naman po siguro sa akin or sa ibang mga aktres, lahat naman tayo binibigyan ni God kung ano ang deserve natin at dun ako nagtitiwala. Hindi sa mga sinasabi ng ibang tao.”
Sabik na si Christine na mapanood ang Scorpio Nights na magsisimula na ang streaming sa Vivamax sa July 29, 2022.