Nabawasan na ang tensyon na nararamdaman ni Arthur Nery dahil guaranteed sold-out ang tickets para sa kanyang unang major concert na magaganap ngayong Sabado ng gabi, July 2, sa New Frontier Theatre sa Quezon City.
Ang Viva Live ang producer ng concert ni Arthur at noong Martes, June 28, naglabas sila ng anunsyo na wala nang tickets na mabibili, na ikinalungkot ng mga tagahanga ng Cagayan de Oro-based singer.
“As early as the first few days when we announced the show, tickets have gone quick,” pahayag ng isang Viva Live executive.
Unang naubos ang tickets para sa SVIP (Super Very Important Person) seats dahil magkakaroon si Arthur ng meet-and-greet para sa SVIP ticket holders pagkatapos ng kanyang concert.
Bubuksan ng 6 p.m. ang New Frontier Theatre gates kaya pinapayuhan ang mga bumili ng SVIP tickets na manatili sa kanilang upuan bago mag-alas siyete nang gabi dahil ibibigay ang mga ID nila para sa meet-and-greet.
Lubos ang pasasalamat ni Arthur sa kanyang mga tagahanga dahil sa mainit na suporta sa concert niya.
Sa nakaraang presscon para sa kanyang show, nagkuwento si Arthur tungkol sa fans niya na mabubuti dahil hindi gumagamit ng masasakit na salita sa social media.
“Mostly kasi yung fan base ko, pang-ano lang sila, memes, good vibes, soundtrip. Mga ganoon lang.
“May club presidents na yung sila talaga ang nagtulak sa akin when I was still starting na mag-build ng community, a peaceful community where everyone is happy.
“Nagulat ako may set of rules sila kapag sasali ka and then magalang. Kumbaga, okey kapag medyo twisted ang sense of humor basta magalang pa rin.
"So nakakatulong talaga," sabi ni Arthur na likas na mahiyain kaya kabadung-kabado nang humarap sa mga miyembro ng entertainment press.
Naging breakout music act si Arthur dahil sa kanyang single na "Binhi" at sunud-sunod na hit songs.
Pero ang "Pagsamo" na meron nang 200 million combined streams sa Spotify at YouTube ang nagpatunay na siya ngayon ang pinakamalaking pop act sa Pilipinas.
Sumikat si Arthur sa panahon ng coronavirus pandemic at malaking tulong ang kanyang musika sa mga kababayan nating naghanap ng mapaglilibangan nang magdeklara ng lockdown dahil sa pandemya.