Ang Metro Pacific Investment Corp. (MPIC) Chief Finance, Risk and Sustainability Officer na si June Cheryl “Chaye” Cabal-Revilla ang nag-iisang Asian at Pilipina na inimbitahan ni Prince Charles sa Accounting for Sustainability (A4S) Reporting Roundtable event na ginanap sa St. James’s Palace noong March 1, 2022.

Pinarangalan si Revilla bilang 2022 Sustainability Leader of Campaign’s Women Leading Change Awards Asia-Pacific dahil sa kanyang mga matagumpay na Sustainability Program.
Malaking karangalan para sa kanya ang imbitasyon ni Prince Charles, Duke of Edinburgh at heir-apparent sa trono ng United Kingdom.
Sa pambihirang pagkakataon, nagpaunlak si Revilla na magkuwento sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong June 27 tungkol sa mga karanasan niya sa personal na pagtatagpo nila ni Prince Charles, ang dating asawa ng kanyang hinahangaan, ang pumanaw nang si Princess Diana.
Ang unang impresyon niya kay Prince Charles ang itinanong ng Cabinet Files kay Revilla tungkol sa kanilang pagkikita.
“Siyempre, Princess Diana [admirer] ako, di ba? When I met him, no matter what you hear, what you see on TV, iba yung narinig mo siya, nakita mo siya. At saka, it was really cold there.
“Totoo yung sinabi ni Princess Diana that they don’t turn on the heater. So when we had a break, I went to the tea and coffee area.
“'Tapos, sinabi nung isang kasama namin na, ‘The Prince would like to have a chat.’
“And when Prince Charles saw my nameplate, sabi niya, 'Oh, Metro Pacific. I like what have you been doing in waste management and biodiversity protection.’

“E, di ba, sa The Devil Wears Prada, may taga-bulong. [Siya] Hindi. Siya ang nagbabasa.
“Si Prince Charles, walang katabi. So, parang... if for anything, maayos yung memory niya. So interesting siya,” patuloy pa ni Revilla tungkol sa kanyang impresyon sa future king ng England.
Dahil sa interes na malaman niya kung paano nagsisimula ang araw ni Prince Charles, naglakas-loob si Revilla na tanungin ang executive assistant ng prinsipe.
“He starts the day very early. Meron siyang breakfast, he only eats twice a day. Breakfast and dinner lang, wala siyang lunch.
“He only takes a walk to clear his mind. Sabi niya [executive assistant], his schedule dictates his calendar and his schedule dictates what he does and where he goes at ganoon din kay Camilla [Park-Bowles, ang Duchess of Cornwall at kasalukuyang asawa ni Prince Charles]
“Yung sense of duty sa kanila is very strong. They will see each other when the schedule says. Pre-determined na ang schedule nila sa loob ng tatlong taon.
“As a matter of fact, magkikita sila sa May, kasi March iyon," kuwento pa ni Revilla na nagbalik-tanaw sa kanilang pagkikita ng prinsipe nung March.
"Then after that, they will be off again, whatever their schedule or the calendar tells them where to go and what to do.
“Habang nagkukuwento ang executive assistant, inire-relate ko na sa mga napapanood ko sa The Crown at kay Princess Diana kasi at that time, she was young. Siyempre, hindi puwedeng ganoon.”
Ang personal na karanasan niya kay Prince Charles ang nagpamulat kay Revilla sa katotohanan na iba ang pagsasalarawan sa prinsipe sa popular Netflix series na The Crown.
“Hindi siya katulad ng ipino-portray sa The Crown. He’s funny and he’s smart.
“During the round table, he sat with us. He’s so involved. He’s very engaged when we’re talking and he spoke, kasi my speech siya. He only read like first two paragraphs and then, he put his kodigo down and he started speaking from his heart.

“It was then I felt his sincerity, and authenticity when he started talking about sustainability, impact, climate change ,and the urgency. Ang galing niya. Ang funny niya."
Si Revilla ay kinilala bilang isa sa The Outstanding Young Men (TOYM) for Community Service noong 2013 dahil sa kanyang malaking kontribusyon sa Gabay Guro program ng PLDT na tumutulong sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga guro.
Isa rin siya sa mga nasa likod ng Healthsavers Plan ng mWell PH na pinarangalan kamakailan bilang Best Initiative in Technological Innovation sa The Asset ESG Corporate Awards, Singapore.
Isang mobile app ang mWell PH na inilunsad ng MPIC noong kasagsagan ng coronavirus pandemic para sa kapakanan ng mga Pilipino na takot na pumunta sa mga ospital para magpatingin sa doktor.
Sa murang halaga na P399 ng Healthsavers plan, puwedeng kumonsulta ang app user sa dalawang online doctors.
Kasama sa Healthsavers plan ang libreng e-prescription, medical certificate, at doctor referral na transferable, kaya maaaring gamitin ng ibang mga miyembro ng pamilya.

Ito ang isinusulong ni Revilla at ng kanyang anak na si Chayeli, kasama ang mga celebrity ambassador na sina Miriam Quiambao, Empress Shuck, at Gazini Ganados.