Ang Office of the Press Secretary ang bagong pangalan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa bisa ng Executive Order No. 2 na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong June 30, 2022.
Pero kahapon lamang, July 6, inilabas ang balitang ito.
Nakasaad sa Executive Order No. 2 ang abolition o pagpawi sa Office of the Presidential Spokesperson at Presidential Communications Development and Strategic Planning Office.
May direktiba itong “There is a need to rationalize and consolidate the communications arm of the Administration for a more efficient delivery of public policy to the general public."
Sa ilalim ng Executive Order No. 2, magkakaroon ang Office of the Press Secretary ng assistant secretary at support staff na hindi lalampas sa 20 tauhan na itatalaga ng Press Secretary at aprubado ng Executive Secretary pero alinsunod sa batas at panuntunan ng civil service.
Ang impormasyon tungkol sa appointment ng aktor na si Juan "Johnny" Revilla bilang bagong chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang unang dapat iwasto ng PCOO na Office of the Press Secretary na ngayon ang pangalan.
Nanunungkulan si Revilla na board member ng MTRCB bago siya hinirang na MTRCB chair ng administrasyon ni Marcos Jr.
Nanumpa si Revilla sa harap ni Marcos Jr. sa Malacañang Palace noong Martes, July 5.
Pero naghatid ng kalituhan ang mga press release na inilabas ng PCOO at ang video na mapapanood sa YouTube channel ng Radio TV Malacañang (RTVM) dahil "board member" ng MTRCB ang designation ng aktor na nakasulat kaya ito ang inilabas ng mga news outlet.
Apparently, nalito ang gumawa ng press release dahil dating board member nga si Revilla bago ito naluklok sa puwesto ng MTRCB chair kaya dapat na ituwid ito para hindi na kumalat pa ang maling impormasyon o fake news.