Walang kamalay-malay si Jay Manalo na may kinalaman siya kaya napapayag si Mark Anthony Fernandez na maghubad nang todo sa mga eksena nito sa Scorpio Nights 3.
Ipinagtapat ni Mark sa PEP Live interview sa kanya na si Jay ang naging halimbawa niya sa mga makatotohanan at mapangahas na eksena nila ni Christine Bermas sa pelikula na mas matindi kesa sa orihinal na Scorpio Nights na isa sa mga kontrobersyal na proyekto ng Experimental Cinema of the Philippines noong 1985.
“Na-excite ako nang dumating sa akin yung offer, yung script. Sabi ko, paano kaya ang approach nito?
“E, naalaala ko bigla si Jay Manalo, idol ko rin yun. Sabi ko, 'Kung kaya ni Jay, bakit hindi ko kaya sa daring part?' Pero yung script itself, movie talaga. Maraming element, so interesting siya,” ang sabi ni Mark sa PEP Live.
Ginampanan ni Mark sa Scorpio Nights 3 ang role ni Orestes Ojeda sa unang Scorpio Nights pero hinigitan niya ang paghuhubad ng namayapang aktor na tiyak na ikagugulat ng mga tagahanga ng dating miyembro ng Guwapings.
“Kay Jay ko hinugot yung tapang ko sa daring parts. Sabi ko, medyo edgy ito. Kung kaya ni Jay bilang artista, ako rin, tutal Part 3 naman, ibang version.
“Ang Romeo and Juliet nga, paulit-ulit lang, iba lang ang mga artista, parang ganoon,” dagdag na pahayag ni Mark tungkol sa paggamit niya kay Jay bilang inspirasyon sa lakas ng loob na kanyang ipinamalas sa paghuhubad sa mga eksena ng Scorpio Nights 3.
Hindi lamang ang naging parte ni Jay sa kanyang desisyon na maging mapangahas sa all-out na paghuhubad sa harap ng kamera ang ibinahagi ni Mark, dahil ipinagtapat nito na crush niya si Christine.
“Si Christine, I found myself, fan na rin niya ako dahil magaling siya na artista. Maganda, mabait pa, people person… package deal to the point na crush na nga, e.
"Christine, medyo crush kita. Nakaka-crush ka!” ang hindi inaasahang rebelasyon ni Mark na ikinagulat ng leading lady niya sa Scorpio Nights 3.

Postscript. Si Jay ang lead actor ng Girl Friday, ang upcoming sexy drama movie na mula sa direksyon ni Joel Lamangan at pinagbibidahan din nina Jela Cuenca at Angeli Khang.
Kung panonoorin ni Mark ang Girl Friday kapag ipinalabas na ito sa Vivamax, makikita niya na kasing-tindi ng kanyang paghuhubad sa Scorpio Nights 3 ang ginawa ni Jay sa bagong pelikula nito.