Ang lalawigan ng Abra ang sentro ng lindol na may lakas na 7.3 ngayong Miyerkules ng umaga, July 27, 2022, 8:43 a.m.
Dahil sa lakas nito ay napinsala ang maraming tahanan, gusali, at mga simbahan.
Naramdaman sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya ang lindol na sumira rin sa mga ari-arian at simbahan sa Ilocos Sur, ang Vigan Cathedral sa Vigan, at ang Bantay Bell Tower sa bayan ng Bantay.
Ang Bantay Bell Tower ang isa sa pinakamakasaysayang palatandaan sa Ilocos Sur.
Itinayo ito noong 1591 bilang watch tower ng Bantay at ginawang bell tower ng simbahan noong 1857.
Ayon sa kasaysayan, totoo at hindi tsismis na ang Bantay Bell Tower ang paboritong tagpuan o date spot ng mga bayaning sina Diego at Gabriela Silang noong ika-labimpitong siglo (17th century).
Immortalized o mananatiling buo ang Bantay Bell Tower dahil kinunan dito ang ilang mga eksena ng Ang Panday, Ikatlong Yugto, ang action-adventure-fantasy movie na pinagbidahan ng King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. at official entry sa 8th Metro Manila Film Festival noong 1982.
Sa kasamaang-palad, winasak ng malakas na lindol ang Bantay Bell Tower, at nasaksihan ito ng pamilya ng mag-asawang Edison at Karen Adducul.
Nagbabakasyon sa Vigan ang pamilya nina Edison at Karen nang maganap ang lindol na nagbigay sa kanila ng trauma dahil nakita nila ang pagguho ng Bantay Bell Tower.
Viral na ang video na kuha ni Edison habang gumuguho ang makasaysayang tore na inilagay niya sa kanyang Facebook account.
“Ako po yung babaeng maingay sa video,” sabi ni Karen sa panayam sa kanya ng Cabinet Files ngayong Miyerkules ng umaga.
Lahad pa niya, “Nag-alala po kasi ako dahil hindi ko makita yung anak namin na bunso. Yun pala, yakap na siya ng mama ko.
“Maaga po kami na nagpunta sa Bantay Bell Tower dahil namamasyal po kami. Naramdaman po namin na lumilindol, tapos pagtingin namin sa tower, bumabagsak na.
"Traumatic po kasi akala namin, pati kami madadaganan.
"Papunta na po sana kami sa itaas ng tower, pero yung caretaker, nag-insist na isa-isa muna na kunan kami ng picture. Kunwari hawak namin yung tower."
Nagpapasalamat si Karen nang maantala ang pag-akyat nila dahil sa picture-taking kaya hindi sila naabutan ng lindol sa tuktok ng Bantay Bell Tower.
“May mga tao po sa tower. May nakita akong matanda at bata na sugatan. Duguan yung paa ng batang babae, umiiyak siya.
"Dun mismo sa church po, may matandang palabas sa simbahan, sugatan ang ulo. Iba po kasi yung mga nasugatan sa Bell Tower at sa simbahan.
“Yung mga bata na kasama namin [may mga edad na 16, 14, 13, 11, 8, at 5] na-shock po sila.
"Yung tower parang konting ano… babagsak na rin [nang tuluyan]. Delikado na po.
"Saka nag-i-inspect na kanina [ang mga opisyal ng Bantay]. Isinara na ang tower,” pagbibigay-impormasyon ni Karen sa Cabinet Files.