Pinasok na rin ng rap artist na si Ace Raval ang pag-arte dahil ipinakikilala siya sa Sitio Diablo, ang drama action sexy movie na pinagbibidahan ng kanyang nakababatang kapatid na si AJ Raval.
Si AJ ang nagrekomenda kay Ace sa Sitio Diablo director na si Roman Perez, kaya nabigyan ng role sa pelikula niya ang kanyang Kuya Ace na 22 anyos at ipinangalan ng kanilang ama na si Jeric sa pumanaw na aktor na si Ace Vergel.
Sa labingwalong anak ni Jeric, sina AJ at Ace ang magkapatid dahil sila ang mga anak ng tatay nila sa former sexy star na si Alyssa Alvarez.
“Pang-apat po ako sa magkakapatid. Si Janina po [ang anak ni Jeric sa dating aktres na si Monica Herrera] ang kaedad ko.
“Si AJ po, kapatid ko siya na buo. Lumaki po siya sa Papa ko at ako naman po, lumaki sa lola ko. Nagsama na lang po kami ni AJ noong 14 or 15 na ako, doon na po kami noon sa tunay na nanay namin.
“Lumaki rin po si AJ kay Nanay Holiday [ang babaeng pinakasalan at legal wife ni Jeric].
"Napakabait po ni Nanay Holiday. Nanay ko rin siya,” ang kuwento ni Ace sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files ngayong Sabado ng tanghali, August 13, 2022.
Dose anyos si Ace nang mahiligan niya ang rap music at Drizzy Ace ang kanyang ginagamit na rap name.
Ayon kay Ace, nagkakaroon siya ng mga gig sa mga underground event at sa mga kampanya para sa nakaraan na halalan noong May 9, 2022.
Baguhan si Ace sa pag-arte pero naging madali ito dahil sa suporta na ibinigay sa kanya nina AJ at Jeric.
"Maging kalmado lang ang advice nila sa akin. Medyo mahirap po sa akin ang magbitaw at magkabisa ng lines pero kayang-kaya ko na po kapag nasa harap na ako ng kamera," ani Ace na ginabayan nang husto ni AJ sa shooting ng Sitio Diablo.
Si AJ ang nagkuwento tungkol sa mga ginawa nito para maging komportable si Ace sa unang pagkakataon na pag-arte nito sa harap ng mga kamera.
Lahad ng sexy star, “Nakita ko kay Ace ang sarili ko noong nag-uumpisa ako sa pag-aartista, so yung na-experience ko before, nakikita ko kay Ace, kaya gina-guide ko siya kahit sa mga konting bagay.
“Like kapag magbibitaw siya ng linya, dapat yung mata niya, diretso lang sa kausap niya pero hindi ko alam kung nakikinig siya.
“Nung first day shoot ni Ace sa eksena niya, nandoon ako.
"Gusto ko, pinapanood ko siya kasi naalaala ko noong first time ko na gumawa ng eksena, naiyak ako sa sobrang pressure."