Lilipad na si Darna ngayong Lunes ng gabi, August 15, 2022, kaya ilang araw nang napapanood si Jane de Leon sa iba’t ibang mga programa sa telebisyon para sa kanyang mga promo guesting.
Muli siyang inimbitahan bilang hurado sa "Miss Q&A: Kween of the Multibeks" segment ng It’s Showtime.
Bago sumalang sa "Miss Q&A" si Jane, isinali muna siya sa "Vest in Spelling," isa sa mga segment ng noontime variety show na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Dito siya nadapa dahil sa kanyang pagtakbo para masagot ang tanong ni Karylle na “Ano ang official currency ng Pilipinas?”
Ang It’s Showtime hosts na sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, at Anne Curtis ang mga tumulong kay Jane, na nahubad ang suot na kaliwang sapatos, para makabangon mula sa pagkakadapa na live na napanood sa national television.

“Bakit every time na lang, kapag nasa Showtime ako, ang daming nangyayari sa akin?" natatawang tanong ni Jane.
Biro naman ni Jhong, “Sayang, hindi umabot yung bato. Uy, sandali lang, baka hindi makalipad si Darna mamaya. Alalayan natin.”
Sabi naman si Anne, “Well-trained kasi si Jane sa instincts niya talagang pangmabilisan. Ready na at any time.”
Nagpasalamat si Jane sa mga host ng It’s Showtime sa pag-alalay sa kanya sa nangyari.
Hindi rin niya nakalimutang banggitin ang mga karakter na nilikha ni Mars Ravelo na ginampanan nina Anne at Vhong sa telebisyon at pelikula.
"Gusto kong magpasalamat sa inyong tatlo, natumba ako kasi naalaala ko pala, si Kuya Vhong, si Lastikman. Si Ate Anne, si Dyesebel.
"Siyempre, si Alakdan nandito rin,” pasasalamat ni Jane.
Si Mars Ravelo ang lumikha sa karakter ni Darna na unang lumabas sa Pilipino Komiks noong Mayo 13, 1950.
Alakdan naman ang pangalan ng contravida character ni Jhong sa Ang Probinsyano.