Ikinatuwa ng mga Pilipino na sumusubaybay sa sikat na Korean legal drama series na Extraordinary Attorney Woo ang balitang magkakaroon ito ng Season 2.
Napapanood ang Extraordinary Attorney Woo sa Netflix at pinagbibidahan ni Park Eun-bin, isa sa mga pinakamahusay na Korean actress sa kasalukuyan.
Inanunisyo ng mga producer ng Extraordinary Attorney Woo na inihahanda na nila ang second season ng sikat na programa na balak na ipalabas sa 2024.
Tatampukan pa rin ito ng mga bida, gaya ng lead actor na si Kang Tae Oh na nakatakdang pumasok sa mandatory military service sa susunod na buwan.
Tungkol sa isang abogadang may autism spectrum disorder, na buong husay na ginagampanan ni Park Eun-bin, ang kuwento ng Extraordinary Attorney Woo.
Mayroon itong 16 episodes at inilabas ng Netflix kahapon, August 18, 2022, ang huling kabanata ng Korean television series na kinahumalingan ng mga Pilipino at ng iba’t ibang lahi sa buong mundo.
Nadagdagan ang interes ng mga Pilipino sa Extraordinary Attorney Woo nang maglabas ang Netflix Philippines noong August 9 ng video clips mula sa eksena ng Korean drama series ni Park Eun-bin at ng Unforgettable, ang 2019 movie ni Sarah Geronimo sa Viva Films.

May autism spectrum disorder din ang karakter na ginampanan ni Sarah sa Unforgettable kaya naisip ng Netflix na gawan ng “comparison video” ang pelikula niya at ang TV series ni Park Eun-bin.
Parehong may bangs ang mga papel na binigyang-buhay nina Sarah at Park Eun-bin, na kapwa nabigyan ng hustisya ang mga karakter na ipinagkatiwala sa kanila.
Napansin din ng Netflix viewers ang slight resemblance nina Park Eun-bin at Sarah sa isa’t isa.
Dahil sa ginawa ng Netflix, muling pinapanood sa nabanggit na streaming channel ang Unforgettable, na isang original story at maipagmamalaki ng mga Pilipino na nauna ng tatlong taon sa Extraordinary Attorney Woo.