Hindi pa nagsisimula ang taping ni Billy Crawford para sa Danse avec les Stars (Dance with the Stars), ang French version ng British television show na Strictly Come Dancing.
Pero lumipad siya sa France para sa Augustiennes festival ng Fos-sur-Mer.
Mainit ang pagtanggap kay Billy sa muling pagbabalik nito sa bansang itinuring niyang pangalawang tahanan at magpapaalala sa lahat na international star ang kanyang kategorya sa entertainment industry.
Sumikat nang husto si Billy bilang singer sa France at sa iba’t ibang bansa sa Europe nang magsimula ang millennium dahil sa kanyang mga hit song, tulad ng "Trackin'", kaya may mga report tungkol sa pagbabalik niya sa nasabing bansa, makalipas ang dalawang dekada.
Nakasaad sa report ng isang French entertainment site na sa pagbabalik ni Billy sa edad na 40, muling susuyuin ng international Filipino singer ang French-speaking public na sumuporta sa kanyang singing career noon bago siya nagpasyang mamalagi sa Pilipinas.
“He confesses his love for the country that adopted him, in his first interview in France,” bahagi ng report ng French entertainment site nang bumalik si Billy sa France.

Malaki at mabuting balita para sa French fans ni Billy ang nakatakdang pagsali nito sa Danse avec les Stars kaya nagbukas na sila ng Instagram account para sa lahat ng activities ng Filipino celebrity habang nasa France ito.
Kabilang sa makakalaban ni Billy sa Danse avec les Stars ay ang Indonesian-French singer na si Anggun.
Pagmamalaki para kay Billy ang mararamdaman ng mga Pilipino sa importansiya at pagmamahal na ibinibigay sa kanya ng mga tagahanga niya sa France.
Nakakabilib ang fluent na pagsasalita ni Billy ng French language na makikita sa video na inilabas ng official Instagram account ng contest na sasalihan niya.
Positibo ang lahat ng mga komento tungkol sa sikat na Filipino singer, dancer at television host.
Tiyak na mapapansin si Billy sa Danse avec les Stars dahil alam ng lahat na bukod sa mahusay na singer, magaling din siyang dancer.
Mula sa France, bumalik si Billy sa Pilipinas para tapusin ang ibang commitments gaya ng media conference ng The Wall Philippines, ang kanyang game show sa GMA-7 na mapapanood simula sa August 28, 3:35 p.m.
Read: GMA Network welcomes back Billy Crawford after 15 years
Pero babalik siya sa France sa August 27, isang araw bago ang pilot telecast ng kanyang programa, para sa dance contest na lalahukan niya.