Naganap ang press preview ng Sitio Diablo, ang action-drama-sexy movie ni AJ Raval, noong Miyerkules ng gabi, August 24, 2022, sa Gateway Cineplex.
Pagkatapos ng screening ng Sitio Diablo, nagkita si AJ at ang veteran entertainment writer at Inside Showbiz YouTube channel host na si Aster Amoyo sa Wingzone restaurant para sa press conference ng mga artista at direktor ng pelikula.
Diumano, "na-offend" umano si AJ kay Aster nang hawakan nito ang kanyang tiyan nang magkita sila sa pagdarausan ng presscon.
Gulat na gulat si Aster nang malaman nitong hindi ikinatuwa ni AJ ang kanyang ginawa dahil wala raw malisya ang paghawak niya sa tiyan ng sexy star, na matagal nang pinagdududahang buntis pero patuloy sa pagtanggi.
Read: AJ Raval nagpositibo... sa COVID-19; muling itinangging buntis siya
“Wala akong intensiyon!” nagtatakang pahayag ni Aster sa Cabinet Filles tungkol sa akusasyong sinadya niyang hipuin ang tiyan ni AJ.
“I’m a very touchy person. My God, wala akong malice! Kilala ako sa pagiging touchy.
“Wala akong malisya. Kung natapik ko man yung tiyan niya, it was not intentional. Nagkataon lang.
“Imbes na beywang, ang tiyan ni AJ ang nahawakan ko kasi nakatayo siya, nakaupo ako nang bumati siya.
“Hindi totoong may kinalaman sa pagbubuntis niya kaya hinawakan ko ang tiyan niya. Normal ang ikinilos ko, walang malisya,” depensa ni Aster sa isyung ibinibintang laban sa kanya.
Para patunayang walang ibig kahulugan ang hindi niya sinasadyang paghawak sa tiyan ni AJ, ikinuwento ni Aster na maayos at wala siyang naramdamang kakaiba sa interview niya sa sexy star at sa ama nitong si Jeric Raval, na sinuportahan ang special screening ng Sitio Diablo.
Saad ng veteran columnist at talent manager, “Kung guilty ako of anything, hindi ako mag-a-attend sa mga presscon at preview ng pelikula niya.
“Nang interbyuhin ko si AJ for Inside Showbiz, she was professional. Wala akong naramdamang lukewarm siya sa akin. Otherwise, I would have avoided her.
“Kinunan ko siya ng statement. Magkatabi sila ni Kiko Estrada. Kinunan ko pa sila ng picture together,” ang dagdag na paliwanag ni Aster.
Ipinadala ni Aster sa Cabinet Files ang litratong kuha niya na ebidensiyang maayos ang paghaharap nila ni AJ sa isa’t isa nang magkita sila.
Nasa kalagitnaan ng shooting ng Sitio Diablo nang kumalat ang balita na, diumano, buntis si AJ sa magiging panganay nila ni Aljur Abrenica.
Si Aster ang unang naglabas at nagkumpirma ng balitang buntis si AJ noong June 23, 2022.
Sa kabila ng mga pagtanggi ni AJ, hindi binawi ni Aster ang mga isinulat nito dahil pinaninindigan niyang isang mapagkakatiwalaang tao ang source ng kanyang scoop news.
Nagsimula na ang streaming ng Sitio Diablo sa Vivamax ngayong Biyernes, August 29.