Nagkasama sina Grace Lee at Camille Villar bilang mga co-host ni Willie Revillame sa Wowowillie ng TV5 noong 2013 kaya naging magkaibigan sila at hanggang ngayon, may komunikasyon ang dalawa.
Si Camille ang nag-iisang anak na babae ni former Senate President Manny Villar na may-ari ng AMBS2, ang television network na nakatakdang magkaroon ng soft launch sa September 22.

Si Grace naman ay nag-umpisa ang hosting career noong 2007 hanggang maging news anchor siya ng GMA-7 at TV5.
Inihinto ni Grace ang kanyang hosting career sa telebisyon nang itatag niya ang Glimmer Entertainment, ang content production company na nagdadala sa Pilipinas ng mga pelikula, concert, at mga artista mula sa South Korea.
Nangangailangan naman ang AMBS2 ng mga personalidad para sa mga bagong programa na bubuksan nila at hindi itinanggi ni Grace na may mga nakakausap siya mula sa naturang network.
“Actually, we have been talking so tingnan natin. Camille is my friend so it’s only natural of course, there are things that she needs, di ba?
“They were asking if I wanted to apply. Sabi ko, I don’know. We’ll see. I don’t wanna…parang nakakahiya naman na mag-commit 'tapos I cannot deliver,” ang sabi ni Grace na abalang-abala bilang founder at Chief Executive Officer ng Glimmer Entertainment.
Si Willie na nakatrabaho ni Grace sa Wowowillie ang isa sa mga nagdedesisyon at nasusunod sa mga programa na mapapanood sa AMBS2.
Kaya malaki ang tsansa na magkita ang dalawa matapos ang matagal na panahon kung sakaling magpasya ang Korean television host na pumasok sa Villar-owned network.
Nang tanungin kung may komunikasyon pa sila ni Willie, sumagot si Grace ng “I only hear about him through other people but we are good. Willie is a nice guy.”
Nakausap si Grace ng entertainment press sa invitational screening ng Hunt na ginanap noong Huwebes nang gabi, August 25, sa Directors Club ng SM Megamall.
Ipinagmalaki ni Grace na ang Glimmer Entertainment ang magre-release ng Hunt sa mga sinehan sa Pilipinas simula sa August 31.
Isang espionage action movie na pinagbibidahan ng Squid Game lead actor na si Lee Jung-jae ang Hunt. Ito rin ang kanyang movie directorial debut at nakatanggap siya ng mga papuri mula sa movie critics dahil sa kanyang mahusay na direksyon.

As of August 24, 2022, ang Hunt ang 3rd-highest grossing Korean movie of 2022.
“It’s now the number one movie in Korea so we are very excited about releasing this movie on August 31. We are so very proud of this movie,” ani Grace.
Naniniwala siyang tatangkilikin at susuportahan ng mga Pilipino ang theatrical release ng Hunt na pinuri rin ng mga dumalo sa naganap na special screening.