Nakaiwas sa malaking iskandalo ang aktor na inakusahan ng sexual harassment dahil nagmakaawa siya nang husto sa kanyang biktima na nagtatrabaho sa isang spa.
Aktibo sa showbiz ang aktor na popular kaya ang buong akala nito, magiging madali ang pag-akit niya sa female spa employee na kanyang natipuhan.
Nagkamali ang aktor dahil pumalag ang biktima na tinangka niyang hipuan at agad na nagsumbong sa management.
Takot na takot ang aktor dahil alam nito na kapag nag-ingay ang biktima at kumalat ang tangka na pangmomolestya niya, tiyak na katapusan ng kanyang showbiz career.
Nakadagdag sa alalahanin ng aktor na malaki ang magiging epekto ng iskandalo sa kanyang pamilya, lalong-lalo na sa tatay niya na kagalang-galang.
Naging mapalad ang aktor nang nakumbinsi ang biktima na manahimik dahil natakot din ito sa magiging reaksyon ng kanyang pamilya na hindi sanay na masangkot sa kontrobersya.
Malaking aral ang natutunan ng aktor mula sa kanyang karanasan na siya ang may kagagawan.
Traumatic para sa aktor ang muntik-muntikan nang pagkawasak ng kanyang pangalan at kinabukasan kaya mula noon, nagkaroon na siya ng kontrol sa sarili at hindi na nagpatangay sa mga tukso.
Higit sa lahat, napagtanto ng aktor na hindi sapat na dahilan ang popularidad na kanyang tinatamasa para makuha ang lahat ng mga nagugustuhan o napupusuan niya dahil nakahihigit pa rin sa mga karaniwang manggagawa na kababaihan ang pagkakaroon ng mataas na respeto sa sarili at pagpapahalaga sa kanilang dignidad.