Ang matupad ang pangarap na maging piloto at makagawa ng pelikula bago matapos ang 2022 ang dalawa sa mga ambisyon ng former child actor na si Jairus Aquino.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto ni Jairus na matutong makapagpalipad ng eroplano at gumawa ng pelikula na hindi naman kailangan na daring ang kanyang karakter.
Hindi lamang naman kasi sexy movies ang napapanood sa Vivamax, ang streaming site na sister company ng Viva Artists Agency, ang talent management agency na namamahal sa acting career niya.
Kahit hindi pa nabibigyan ng mga movie project si Jairus, hindi nawawalan ng mga TV assignment ang 23-year-old actor.
Kasama siya sa cast ng Kalye Kweens, ang sitcom na pinangungunahan nina Dina Bonnevie at Alma Moreno na mapapanood sa TV5 simula bukas, October 1, 2022.
Read: Alma Moreno at Dina Bonnevie, "magbabardagulan" sa TV5 sitcom na Kalye Kweens
Si Jairus ang gumaganap na anak ni Dina sa Kalye Kweens.
Hindi pinabulaanan ni Jairus na kinabahan siya sa unang pagsasama nila sa isang project ng veteran actress na madalas napagkakamalang suplada ng ibang mga tao.
“Na-intimidate ako sa kanya, pero noong nag-start ang taping, ang gaan niyang katrabaho. Kalog din siya,” pagtatapat ni Jairus sa solo conversation sa kanya ng Cabinet Files.
“Sa kanya talaga ako very intimidated. Hindi siya suplada. Sobrang hindi as long as you’re doing your job, professional ka, you respect everybody, walang maldita, walang masungit sa mga tao.
“Minsan may mga small talk kami, love life, asaran,” kuwento ni Jairus tungkol sa pagganap niya bilang anak ni Dina sa Kalye Kweens.
Tanggap ni Jairus na hindi panghabampanahon ang pagiging artista. Pero noong 16 years old siya, napagtanto niya ang matinding pagmamahal sa kanyang acting career.
Saad niya, “Na-realize ko na mahal ko ang propesyon ko noong 16 years old ako.
“When I was doing Maalaala Mo Kaya, mabibigat ang mga eksena, I embraced everything.
“This is what I want and I love what I am doing. Ayokong ma-label na artista lang.”
JAIRUS'S BEAUTY REGIMEN
Madalas na napupuna at pinupuri ang pagkakaroon ng makinis at poreless na mukha ni Jairus kaya isiniwalat niya ang kanyang sikreto na walang kagastos-gastos—ang yelo.
“Nag-a-ice ako sa mukha kasi pampa-close yun ng pores. Just rub it on your face, palalamigin mo lang.
“Nagsimula akong mag-ice ng mukha noong 16 years old ako. Every day, sa umaga, sa gabi.
“Nagkakaroon din ako ng pimples, nagbe-breakout sometimes dahil sa puyat at stress, pero yelo lang ang ginagamit ko.
“Sa akin kasi, the more na may inilalagay ako sa mukha, the more na may nangyayari,” rebelasyon ni Jarius tungkol sa kanyang mura at effortless beauty regimen.