Patuloy ang winning streak ni Billy Crawford sa Season 12 ng Danse avec les stars ng France.
Si Billy at ang kanyang kapareha na si Fauve Hautot, kasama ang show judge na si Marie-Agnès Gillot, ang tumanggap ng pinakamataas na marka sa "Battle of the Judges" episode noong Biyernes ng gabi, October 7, 2022.
Pinupuri ng French citizens ang pagsasayaw ni Billy dahil para sa kanila, ang Filipino-American celebrity ang nagbigay ng pinakamahusay na pagtatanghal sa "Battle of the Judges" episode.
Nagkaroon ng injury si Billy sa rehearsals nila ni Fauve para sa kanilang waltz dance, pero hindi mahahalata na may dinaramdam siya sa performance nila.
"Captivating. Without the injury, you can even go further," ang reaksyon ng Danse avec les stars judge na si Francois Alu sa mahusay na pagsasayaw na ipinamalas ni Billy.
"I feel guilty seeing this for free. It’s one of the best performance in the history of this show. So smooth and strong," ang papuri naman ng judge na si Bilal Hassani kay Billy.
Pitong pares na lamang ng mga celebrity contestant ang maglalaban-laban sa Danse avec les stars. Ang tandem nina Billy at Fauve ang nangunguna (rank by average) dahil sila ang nakakuha ng pinakamataas na boto mula sa mga hurado at sa televiewers.
Kung magpapatuloy ang winning streak ni Billy sa Danse avec les stars, matatagalan pa ang pagbabalik niya sa Pilipinas.
Sa susunod na buwan pa, November 2022, ang grand finals ng sikat na celebrity dance competition sa France—na binanggit niya noon sa digital media conference ng The Wall Philippines, ang kanyang Sunday afternoon game show sa GMA-7.