Nailigtas si detained former Senator Leila de Lima matapos madawit sa hostage-taking sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame nitong Linggo ng umaga, October 9, 2020.
Natukoy ang hostage taker na si Feliciano Sulayao.
Sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na tumagal ng kalahating oras ang madugong insidente at nagkataon lamang na si De Lima ang pinagtangkaang i-hostage ni Sulayao.
WHAT HAPPENED?
Ayon sa police report na nakuha ng Cabinet Files, bago hinostage ni Sulayao si De Lima ay may nangyari munang hiwalay na insidente sa Custodial Center ng PNP.
Si Sulayao ay natukoy na kasama nina Arnel Cabintoy at Idang Susukan—na tinuturing na persons under police custody—na nagpasimuno umano ng gulo.
Bandang 6:30 a.m. nang dalhan ng almusal ang persons under police custody sa maximum compound nang biglang dakmain at pagsasaksakin nina Cabintoy, Susukan, at Sulayao sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang duty personnel na si Police Corporal Roger Agustin.
Sugatan si Agustin at ang person under custody na si Jonathan Carpio.
Nang makita ng duty tower guard na si Patrolman Lorenz Matias ang kaguluhan, pinagbabaril niya ang mga suspect.
LEILA DE LIMA HELD HOSTAGE
Pero nakatakbo si Sulayao, at pumasok ito sa maximum compound ng Juliet building na kinaroroonan ni former Senator De Lima.
Tinangka ni Sulayao na gawing hostage ang dating senadora.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Special Action Forces kaya nailigtas sa kapahamakan si De Lima, na agad na isinailalim sa medical check-up.
Nasawi ang tatlong sinasabing nagsimula ng gulo na sina Sulayao, Cabintoy, at Susukan.
Trending sa kasalukuyan sa Twitter Philippines ang panawagan na "#FreeLeilaNow" na epekto ng pagkakalagay sa panganib ng buhay ni De Lima.
Limang taon nang nakakulong si De Lima sa PNP Custodial Center bunga ng paratang na sangkot siya umano sa kaso ng illegal drug trafficking.