Ang maayos na kalusugan ang birthday wish ni Dominic Roque para sa kanyang girlfriend na si Bea Alonzo.
Magdiriwang ng kanyang ika-35 kaarawan si Bea sa Lunes, October 17, 2022.
Read: Dominic Roque on relationship with Bea Alonzo: "Seloso lang ako sa time, pero sa tao, hindi."
Pahayag ng aktor, “Wish ko sa kanya to have a better health kasi lahat naman tayo hindi makakakilos kapag hindi maganda. Sa families namin, masaya kami palagi.”
Sinabi ni Dominic ang kahilingan niya para sa birthday ni Bea nang makapanayam siya ng Cabinet Files sa media conference ng "The Filipino Teacher: Our Pride, Our Purpose, Our Passion."
Isa isa siya sa mga host ng grand gathering ng mga guro na magaganap bukas, Sabado, October 15 2022.
Mapapanood ang live streaming nito sa Facebook page at YouTube channel ng Gabay Guro.
Tiniyak ni Dominic na may plano sila ni Bea para sa kaarawan nito pero hindi pa niya maaaring sabihin.
“May gagawin kami. May pupuntahan lang. Hindi naman bonggang celebration,” ani Dominic.
NANAY JUDAY
Kahit bahagi siya ng entertainment industry, pribadong tao si Dominic at hindi nagpapaapekto sa mga intriga dahil sikat na aktres ang kanyang karelasyon.
Saad niya, “Si Nanay Juday has been there for me and she’s a superstar, and yung guidance niya sa mga nagiging karelasyon ko or sa relationship ko ngayon, nandiyan din siya para mag-guide sa akin.
“Hindi naman porke’t superstar si Bea, mahirap nang maging karelasyon.
"Kailangan lang naming hanapin yung zen namin together para maging okay kami. So far, okay kami.”
Si Judy Ann Santos ang "Nanay Juday" na tinutukoy ni Dominic dahil nanay-nanayan niya ang aktres na matalik na kaibigan ng kanyang tita na si Beth Tamayo.
Ipinagmamalaki at mahal na mahal ni Dominic si Judy Ann dahil ito ang tumutulong sa kanya, kahit noong hindi pa siya artista.
“Nanay ko yun," pakli niya.
"From the start na nagsimula ako sa showbiz, nandiyan siya para sa akin.
"Siyempre, hindi ‘yan mawawala at mahal ko yun, super.
“Hindi siya nawalan ng paggabay sa akin. Sa lahat ng mga ginagawa ko, lagi siyang nagsasabi sa akin ng mga dapat gawin.
“In some ways, nagtatanong din ako sa kanya, 'Nay, okay ba na gawin ito?’
“Humihingi ako sa kanya ng advice at guidance palagi sa lahat ng aspeto ng buhay, sa love life, trabaho ko."
Nag-uusap na ba sila ni Bea tungkol sa kasal?
Sagot ni Dominic, “We’re super okay and we see the future together so, I think, maganda and we’re happy.”
DOMINIC BIDS GOODBYE TO UNDERWEAR BRAND
Nabanggit din ni Dominic na nagpaalam na siya bilang celebrity endorser ng isang underwear brand.
“Nagpaalam na ako sa pagbi-brief, sa pag-a-underwear, kasi tumatanda na rin ako.
"I’m 32 years old so parang hindi ko na rin kaya na mag-brief. 2014 pa ako sa Bench."
Hindi raw siya nahirapang magdesiyong magpaalam na sa pagiging underwear model.
Paliwanag niya, "...kasi mas gusto ko lang mag-relax.
"Mas gusto kong kumain, mas gusto kong magbakasyon. Hindi yung laging naiipit ako na kailangan mag-diet.
"I am getting older and mas marami nang bata na gustong magpakita ng katawan.
“Nagpaalam ako noong 2019. Nagpaalam ako sa kanila na magla-lie low na ako sa underwear [modelling].”
Nagpahinga muna si Dominic sa pag-arte dahil sa sariling negosyo na kanyang pinagkakaabalahan, pero tumatanggap siya ng mga hosting assignment tulad ng Gabay Guro Grand Gathering.
Sina Pops Fernandez, Sam Concepcion, at Jolina Magdangal ang mga co-host ni Dominic.