Muling nabigo ang mga Pilipino na marubdob ang pagsuporta sa mga beauty pageant.
Dahil tulad sa resulta ng 50th Miss Intercontinental noong Biyernes, October 14, 2022, hindi nangyari ang kanilang pinakamimithi na back-to-back win ng Pilipinas sa 19th Miss Globe.
Ginanap ang nasabing pageant noong gabi ng Sabado, October 15 [October 16, Linggo nang madaling-araw sa Pilipinas] sa Opera & Ballet Theater sa Tirana, Albania.
Hindi pinalad na manalo ang Philippine representative na si Chelsea Fernandez pero nakapasok ito sa Top 15 candidates ng 19th Miss Globe at siya ang tumanggap ng Head to Head Challenge award.
Si Anabel Payano ng Dominican Republic ang hinirang na 19th Miss Globe winner at sa kanya isinalin ni Miss Globe 2021 Maureen Montagne ng Pilipinas ang korona nito.
First runner-up si Anamaria Babau ng United Arab Emirates, second place winner si Drita Ziri ng Albania, 3rd runner-up si Miss Thailand Thanawan Wigg at 4th placer si Lam Thu Hong ng Vietnam.
Tulad ng pagtatanghal ng 50th Miss Intercontinental, isang amateur presentation din ang final show ng 19th Miss Globe na mapagkakamalan na isang concert dahil sa dami ng musical numbers.
Marami ang nag-akala na makakapasok si Fernandez sa Top 5 dahil mahaba ang kanyang exposure sa tuwing rumarampa siya sa stage kaya nagkaroon ng hinala na paborito ng cameramen ang representative ng Pilipinas.
Kung may special award para sa Best in "Aura" or Projection, malaki ang pag-asa ni Fernandez na manalo!

Dahil kapag naglalakad siya sa entablado, malakas maka-Vivamax sexy star ang kanyang mapang-akit na tingin sa manonood na sinabayan niya ng paghimas sa leeg at balikat.
Kakaiba ang sistema ng 19th Miss Globe dahil pagkatapos ng final question and answer sa Top 5 candidates, agad na inanunsyo ng pageant host ang mga runner-up at ang mga nanalo.
Kasama si Maureen sa mga hurado ng 19th Miss Globe at bago niya isinalin ang korona kay Payano, binigyan siya ng pagkakataon na magsalita kaya napasalamatan ng Pinay beauty queen ang lahat ng mga tao na sinuportahan ang kanyang Miss Globe journey.