Ipinakikilala sa Vivamax original movie na Kara Krus ang aspiring actor na si Ali Asistio.
Si Ali ay mula sa Asistio political clan. Pamangkin siya ng magkakapatid na aktres na sina Ynna, Alyana, at Anykka Asistio—mga anak ni Nadia Montenegro sa yumao at dating Caloocan mayor na si Macario "Boy" Asistio Jr.
Sa exclusive interview sa kanya ng Cabinet Files, ipinaliwanag ni Ali na pinsang buo ng kanyang lolo ang pumanaw na dating alkalde ng Caloocan City kaya tiya niya ang mga nabanggit na aktres.
Hindi lubos ang pagiging baguhan ng 26-year-old na si Ali sa entertainment industry.
Naging ainstay siya ng Walang Tulugan with The Master Showman, ang defunct Saturday night variety program ng namayapang star-builder na si German "Kuya Germs" Moreno, noong 2015.
Kasabayan ni Ali sina Ken Chan, Sanya Lopez, Jak Roberto, Eian Rances, at Teejay Marquez.
Pero nawalan na sila ng komunikasyon sa isa’t isa nang sumakabilang-buhay si Kuya Germs at nang isara ng GMA-7 management ang Walang Tulugan.
Saad ni Ali, “Before, close kami sa set ng Walang Tulugan kaso wala na po kaming connection or hindi na rin kami nakakapag-usap dahil wala na akong contact sa kanila.
“Tulad nila, nanggaling po ako kay Tatay Germs sa Walang Tulugan at siya po ang tumulong at nag-encourage sa akin na magpatuloy sa showbiz.
“Mahilig po talaga akong umarte kaya nag-workshop ako at pinag-igihan ko ang acting skills ko.
“Si John Lloyd Cruz ang idol ko at gusto kong tularan ang pagiging effective actor niya.”
Isang hotel and restaurant management graduate si Ali.
Nakababatang kapatid ni Felix Roco ang role ni Ali sa kanyang unang pelikula, ang Kara Krus, kaya normal na magkahalong saya at kaba ang mga emosyon niya nang mabigyan siya ng malaking break sa showbiz.
“Ang pinaka-challenging scene para sa akin, yung love scene namin ni Denise Esteban dahil first time kong ginawa yun.
“Okay naman ang aming eksena, may ilangan din nang konti, pero naibigay namin yung best namin.
“Gusto ko po na forever na ang pagiging artista ko at sana, mabigyan pa ako ng chance sa ibang mga project para lumawak pa ang acting skills ko,” asam ni Ali.