Alam ng mga sumusubaybay sa Maria Clara at Ibarra na hindi puwedeng baguhin ang kuwento ng nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere.
Kaya hindi mangyayari ang pangarap nila na magkaroon ng romantic angle sa mga eksena ng mga karakter na ginagampanan nina Dennis Trillo at Barbie Forteza sa top-rating primetime fantasy/drama series ng GMA-7.
Si Dennis ang gumaganap na Crisostomo Ibarra, at si Maria Clara—na binibigyang-buhay ni Julie Anne San Jose—ang love interest niya sa nasabing Kapuso show.
Kaya ang karakter ni David Licauco bilang Fidel (ang kaibigan ni Crisostomo) ang isinusulong ng mga tagahanga ng Maria Clara at Ibarra para maging love team ni Klay, ang pangalan ng role ni Barbie.
“FiLay” ang pangalan ng tinatangkilik na love team nina Barbie at David na inimbento ng followers ng show.
Tuwang-tuwa sila sa mga eksena nina Fidel at Klay, lalo na kapag nagtatalo at nagsasagutan ang dalawa.
Kinilig din sila sa October 20 episode dahil sa pagkindat ni Fidel kay Klay at ang mataas na rating (15.2%) nito ang nagpatibay na marami na ang mga tagahanga ng FiLay love team.

Kaya hinihiling ng fans na dagdagan pa ang mga eksena nina Barbie at David na kikiliti sa kanilang mga imahinasyon.
Bukod sa lumalakas pero hindi planado na love team nina Barbie at David, may panawagan nang ipalabas na sa Netflix ang Maria Clara at Ibarra.
Pero. malabo pa itong mangyari dahil napapanood lamang sa nabanggit na streaming site ang mga television series ng GMA-7 kapag natapos na ang airing nito sa Kapuso Network.
Katulad ng I Left My Heart in Sorsogon, First Yaya, Love of My Life, at Heartful Café.