Naging kontrobersyal noong nakaraang Martes, October 18, 2022, si Senator Jinggoy Estrada dahil sa kanyang pahayag na dapat i-ban sa Pilipinas ang mga Koreanovela para sa kapakanan ng mga artista at industriya ng pelikulang Pilipino.
Tumanggap si Estrada ng mga batikos mula sa mga kababayan natin na tagahanga ng Korean movies at series pero ipinaliwanag niya na, “I said that out of frustration. I only wanted to protect the interests of my fellow artists. Filipino first."
Si Senator Ramon “Bong" Revilla Jr. ang matalik na kaibigan ni Estrada at base sa Facebook post ni Bong ngayong Linggo nang umaga, October 23, hindi maipagkakaila ang pagkagiliw niya sa Koreanovela na Extraordinary Attorney Woo na napapanood sa Netflix.
Dumating kahapon, October 22, sa Pilipinas ang bida nitong si Park Eun-bin para sa kanyang grand fan meet na magaganap ngayong Linggo nang gabi, October 23, 6 pm sa New Frontier Theater at ikinatuwa ni Bong ang pagbisita ng bida ng Extraordinary Attorney Woo sa ating bansa.
“Welcome to the Philippines Attorney Woo - Ms. Park Eun-bin! I enjoy your show and my wife is a big fan!
“Filipinos truly learn so much from Extraordinary Attorney Woo and our excitement in each episode never ends!
“Hope you enjoy your visit and the warm Filipino hospitality," ang mensahe ni Bong para sa lead actress ng Koreanovela na popular sa mga Pilipino.
Lalong minahal si Park Eun-bin ng ating mga kababayan dahil sa kanyang pagbati ng “Magandang umaga, ako po si Park Eun-bin!” nang humarap siya sa press conference na naganap ngayong Linggo nang umaga sa isang hotel sa Quezon City.
Ang pagpunta sa Pilipinas para makapiling ang mga tagahanga niyang Pilipino ang itinuturing ni Park Eun-bin na pinakamagandang nangyari sa kanya sa panahon ng pandemya.