Si Miss Universe 2018 Catriona Gray ang host ng isang event nitong Biyernes, October 21, 2022.
At dahil bihira siyang makausap ng mga miyembro ng media, umasa sila na magkakaroon ng pagkakataon na makapanayam ang dating beauty queen, pero tumanggi ito.
Interesado ang reporter na makuha ang reaksyon ni Catriona tungkol sa mga Filipino celebrity na kasali sa listahan ng Top Instagram earners na inilabas noong nakaraang linggo ng Chicago-based online lender na NetCredit.
Pang-anim si Catriona sa listahan dahil sa record ng NetCredit, kumita siya ng US$1,190,233 (na may katumbas na halos 70 million sa Philippine currency) samantalang nangunguna si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na diumano, US$3,669,205 (mahigit sa 220 million pesos) ang kinita mula sa Instagram.
Pero hindi nasagot ang isyu dahil hindi nga nagpaunlak si Catriona na magpa-interview.
At kahit nanghihinayang, naunawaan ng mga reporter ang hindi niya pagsasalita, dahil inimbitahan siya bilang host ng mWell, ang digital health app ng Metro Pacific Investments Corporation na pinamumunuan ng businessman na si Manny V. Pangilinan.
Dumalo si Pangilinan sa press briefing ng mWell, pero nagsalita lamang siya tungkol sa kauna-unahan sa Pilipinas na fully-integrated health app na nagbibigay sa mga Pilipino na quality healthcare.
Kaya hindi rin nakapagtanong sa kanya ang mga reporter tungkol sa hindi natuloy na partnership ng ABS-CBN at ng TV5, ang television network na pinamumunuan niya.
“Thank you, Miss Universe. I think you brighten up this room and the presentation online as well,” ang mensahe ng pasasalamat ni Pangilinan nang ipakilala siya ni Catriona.
Pagkatapos ay inisa-isa ni Pangilinan ang “roster of groundbreaking firsts" ng digital healthcare na inilunsad ng kanyang kumpanya noong July 2021.
Isa na rito ang pagiging "first to launch the biggest nationwide digital medical mission with hundreds of volunteer doctors simultaneously providing free consultation all over the country.