Ilang araw nang humihingi ng panalangin si Richard Merk para sa kanyang kapwa mang-aawit, ang former APO Hiking Society member na si Danny Javier, dahil may karamdaman ito.
“Dear God, please heal a very dear friend of mine APO Danny Javier. Please embrace him with your love and protection. Get well Danny,” bahagi ng Facebook post ni Richard.
Bihira nang makita ng publiko si Danny mula nang magdesisyon sila nina Jim Paredes at Boboy Garrovillo na buwagin ang kanilang sikat na grupo noong December 2009.
Read: APO Hiking Society to retire 40-year career this 2010
Sa tatlong miyembro ng APO, si Boboy na lamang ang aktibo dahil hindi siya nawawalan ng mga proyekto sa GMA-7.
Kasama siya sa cast ng Unica Hija, ang afternoon drama series ng Kapuso Network na mapapanood simula sa November 7, 2022.
Sa naganap na digital media conference ngayong Martes ng gabi, October 25, napag-usapan ang posibleng reunion ng kanilang grupo at ang kasalukuyang sitwasyon ng kalusugan ni Danny.
Ayon kay Boboy, “Si Jim is in Australia, but a lot of times, he’s also here in Manila. Still doing his writing songs and all.
“Danny is not well. He’s medyo may kahinaan, may karamdaman, so he is recovering.”
Parang nagsalita nang tapos si Boboy nang sabihin nitong malabo nang mangyari na muling magkasama-sama sa isang reunion concert ang kanilang musical group na nagpasikat noong dekada ’70 at ‘80 sa mga awiting "Ewan," "Batang-Bata Ka Pa," "Awit ng Barkada," "When I Met You," "Bawat Bata," "Show Me A Smile," at marami pang iba.
Saad niya, “Pero yung reunion, mukhang malabo yun because hindi na possible," ang pahayag ni Boboy.
Pero kahit hindi na aktibo ang APO, hindi pa tuluyang tinatalikuran nina Boboy at Jim ang pagkanta dahil tumatanggap pa rin sila ng mga singing engagement.
Sabi ni Boboy, “In fact, minsan, kami ni Jim, we accept invitations, mga private invitation, parties. Dumadayo naman kami.
“Kaya tuwang-tuwa ako sa mga teleserye kasi kapag nagdadala ako ng gitara, nakikipag-jam sa akin ang mga kabataan na kasama ko sa cast.
"Nag-e-enjoy lahat kami."