Tila magkakatotoo ang sinabi ni Sam Concepcion na si Billy Crawford ang tatanghalin na champion sa grand finals ng Danse avec les stars sa November.
Ito ay dahil mataas pa rin ang mga marka kay Billy ng mga hurado sa October 28 episode ng sikat na dance competition sa France.
- Billy Crawford, highest scorer sa Danse avec les stars kahit may injury
- Billy Crawford, pasok sa quarterfinals ng "Danse avec les stars"
- Coleen Garcia still gushing over her Danse avec les stars performance with Billy Crawford
"Billy, you are in a comfort zone far from yours. You have worked a lot. You have accustomed us to so much excellence that I am going to be a little hard on you," ang sabi ng Danse avec les stars judge na si Francois Alu.
May mga napansin si Francois sa maliliit na pagkakamali ni Billy sa pagsasayaw, pero kinontra si Francois ng kanyang kapwa hurado na si Chris Marques.
Nagsalita si Marques na normal lamang na magkamali si Billy, pero "radiating everywhere" pa rin ang performance na ipinamalas ng Filipino entertainment personality.
Sa kanyang performance, sumayaw si Billy ng waltz sa tugtog ng "End of the Road" ng Boyz ll Men, kasama ang kanyang kapareha na si Fauve Hautot.
"It was radiating everywhere, but it’s normal at this stage," ani Marques na sinang-ayunan ng isa pang hurado na si Bilala Hassani, na nagsabi na ipinakita ni Billy na tao lamang ito na puwedeng magkamali.
Sa huli, ang mga hurado pa rin ang nagligtas kay Billy kaya magpapatuloy sa susunod na Biyernes, November 4, ang pahirap na pahirap na laban niya sa Danse avec les stars.
Hindi lamang si Sam ang naniniwala na si Billy ang mananalo sa final show ng Danse avec les stars dahil ito rin ang inaasahan ng mga tagasubaybay ng programa.
Kaya "Billy The Favorite" ang tawag nila sa ating kababayan na mainit na tinanggap ng French audience.
Makalipas nga ang dalawang dekada mula nang una siyang sumalang sa showbiz doon, nagtagumpay si Billy sa kanyang pagbabalik sa entertainment industry ng France.