Lumipad sa South Korea ang Kapuso TV host na si Kim Atienza at ang team ng Dapat Alam Mo, ang news magazine show niya sa GTV, para gumawa ng ulat tungkol sa sikat na Halloween festivities sa Itaewon District sa Seoul.
Pero hindi nila inaasahang isang trahedya na kumitil sa buhay ng maraming kabataan ang kanilang masasaksihan at mararanasan.
Nakapanglulumo ang kuwento ni Kim sa live broadcast ng Unang Hirit ngayong Lunes ng umaga, October 31, 2022.
Ayon kay Kim, ang insidenteng ito ay nagdulot sa kanila ng tila panaginip lamang na pakiramdam at naging sanhi ng kawalan niya ng tulog dahil sa maling akala ng ibang mga dumalo sa Halloween event na "prank" lamang ang mga pangyayari.
“Noong pumunta kami roon [Itaewon], nangyayari na.
"Nasa body bag na yung mga bata [na nasawi] sa kaliwa at nire-revive yung marami sa 153 [victims].
"Dun sa kabilang parte ng kalye, tuloy ang party! Hindi alam ng mga bata na yung nangyayari sa kabila, e, kamatayan na.
"Sila, nagsasayawan, tuloy ang party, lasing sila.
“Hindi nila alam, totoo na yung nangyayari sa kabila.
"Nung tinanong namin, ‘Don’t you know what’s happening?’ Aba’y ang sabi sa amin, ‘This is all part of the party. It’s all a prank!’
“Hindi nila alam na totoong namamatay na yung mga bata sa kabila.
"And it was so surreal. Ang feeling namin ng staff ng Dapat Alam Mo, parang panaginip.
“First time kami na nakakita nang ganoong klase ng pangyayari sa buong buhay namin. Hindi kami makatulog lahat nang gabing yun,” walang patid na kuwento ni Kim sa live interview sa kanya ni Arnold Clavio sa Unang Hirit.
At press time, 153 na ang bilang ng mga namatay mula sa Halloween crowd crush na nangyari sa Itaewon District noong October 29, 2022.
Detalyadong ikinuwento ni Kim ang mga pangyayari, base sa mga eksenang personal niya na nasaksihan.
Lahad niya, “Pumunta kami roon noong isang gabi para i-cover sana ang isang masayang event kasi ito yung annual Halloween parade kung saan daan libo ang dumarating.
“Ang information namin, dahil katatapos nga lang ng pandemic at two years nilang hindi ginawa ito [Halloween parade], more than 100,000 ang dumating na kabataan.
“Merong isang eskinita na nanggagaling sa train station, yung Itaewon stop. Paglabas na paglabas ng ng stop, may isang eskinita na napakakitid at pababa.
“Pupunta sila sa Main Itaewon Avenue, kung saan nandoon yung parada. Pumasok sila sa eskinita at parami nang parami ang mga kabataan papunta sa Main Itaewon Avenue.
“Kaso, hindi nila alam na punumpuno na yung Main Itaewon Avenue, therefore naipit sila nang naipit at naipon nang naipon ang mga kabataan sa maliit na eskinita hanggang nagkaroon na ng tinatawag natin na crowd crush.
“Ang itsura ng eskinita, pababa siya so sloping downwards. Napakakitid ng eskinita, ilagay na natin siguro sa 20 meters ang lapad na punumpuno ng mga tao. Talagang hindi mahulugan ng karayom.”
Related Stories:
- Halloween party in Itaewon, South Korea turns into a tragedy; at least 149 died
- “Produce 101” Season 2 contestant Lee Ji Han among 154 dead in Itaewon Halloween tragedy
- Mga saksi sa Itaewon Halloween tragedy, sinisisi ang South Korean Police
CROWD CRUSH
Ipinaliwanag ni Kuya Kim na may ilang uri ng stampede.
Una, ang fast stampede na nagtatakbuhan ang mga tao.
Pangalawa, ang crowd crush na hindi makausad ang mga tao sa harapan habang paparami nang paparami ang mga tao sa likuran.
Crowd crush ang nangyari sa Itaewon District, kung saan naipit hanggang mawalan na ng hininga at inatake sa puso ang mga tao sa harapan.
“Dahan-dahan silang nawalan ng hininga, inatake sa puso. Kaya ang na-witness namin noong isang gabi, talagang napakaraming kabataan ang binibigyan ng CPR ng medical staff na dumating.
“Siguro mga dalawampung ambulansya ang nakita namin at nakita namin kung paano binawian ng buhay ang mga kabataan sa isang masaya sanang event sa Itaewon.
“Ang nakita namin, e, patung-patong na katawan. Yung mga nasa ilalim, talagang nabawian na ng buha.
"At yung mga bandang nasa ibabaw, hinihila ng mga pulis para ma-revive. Hindi nila mahila dahil naipit nga ng compressed ng mga tao.
“Actually, nung nangyari yun, patuloy pa rin ang pasok ng mga tao sa likod ng eskinita.
"Hindi nila alam na wala nang daraanan at namamatay na ang mga tao sa harap ng eskinita."