Trigger warning: Suicide
Eksaktong dalawang taon ngayon mula nang ilabas ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong October 31, 2020 ang kuwento ng buhay ni Stella Strada.
Si Stella ang sikat na bold actress noong dekada '80 na winakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng closet sa kuwarto na kanyang inuupahang apartment sa San Juan City noong December 28, 1984.
Read: Stella Strada: '80s sexy star na nagbigti sa kabila ng kanyang kasikatan
Misteryo sa lahat ang pagpapatiwakal ni Stella dahil kasikatan nito noon.
Nakadagdag sa hiwaga ng kanyang pagpapakamatay na walang alam ang publiko tungkol sa personal na buhay niya, maliban sa contract star siya ng Seiko Films, ang movie production company ni Robbie Tan.
Suzzette Bishop ang tunay na pangalan ni Stella.
Si Robbie ang nagbigay sa kanya ng screen name na Stella Strada.
Si Robbie rin ang sumugal kay Stella.
Kahit wala pa itong napapatunayan, binigyan niya ang aspiring sexy star ng launching movie, ang Kirot, na ipinalabas at pinilahan sa mga sinehan ng manonood noong March 4, 1983.

Mula noon, nagkasunud-sunod ang mga blockbuster movie ni Stella: Angkinin Mo Ako (1983), Hanguin Mo Ako Sa Putik (1983), Sex Education (1984), Malisya (1984), Puri (1984), at Matamis Ang Nakaw Na Tubig (1985).
Nakuha nang husto ang atensiyon at imahinasyon ng publiko dahil hindi siya pinayagan ni Robbie na ipainterbyu sa mga miyembro ng entertainment press kaya nadagdagan ang misteryo ng kanyang pagkatao.
Nang magpasya si Stella na tapusin ang kanyang buhay, nag-iwan siya ng suicide note.
Nakasaad dito: “Walang nagmamahal sa akin at walang nakakaintindi dito. Mahal ko kayong lahat.
“Isang bagay lang ang hinihiling ko. Pakisunog ang lahat ng mga gamit ko at walang ititira.”
Bakas sa suicide note ang matinding kalungkutan na nararamdaman ni Stella.
Dahil walang nakakaalam tungkol sa mga tunay na nangyayari sa kanyang personal na buhay, naging palaisipan sa publiko ang mga pinagdaanan niya noong nabubuhay pa siya.
May epekto ang pagpapatiwakal ni Stella dahil nagkasunud-sunod noon ang mga kaso ng suicide sa pamamagitan ng pagbibigti na binansagan ng media na “Stella Strada Syndrome.”
WHO IS SUZZETTE BRIGITTE?
Makalipas ang tatlumpo’t walong (38) taon, bahagyang nagkaroon ng kasagutan ang mga katanungan tungkol sa inilihim na buhay ni Stella nang makausap ng Cabinet Files si Robert Dag-ay ng Sta.Cruz, Manila, noong Sabado, October 29, 2022.
Si Robert ay nagpakilalang kababata ni Stella.
Fifty-eight years old na si Robert, at hindi sila nagkakalayo ng edad ni Stella na 57 years old na sana ngayon kung nabubuhay pa.
Si Roberto ang nagkuwento tungkol sa buhay ni Stella noong 15 years old pa lamang ito, dalawang taon bago naging contract star ng Seiko Films ang dalagita.

Robert Dag-ay
Ayon kay Robert, biktima ng child abuse si Stella.
Lahad niya, “Suzzette Brigitte ang tawag namin kay Stella. Fifteen years old siya nang mapadpad sa bahay na tinirhan nila sa Severino Reyes Street.
“Maganda si Suzzette. Mapula yung pisngi niya tapos kulot na mahaba ang kanyang buhok. Maganda talaga siya.
“Maalaga si Suzzette sa mga kaibigan niya. Magkakatabi kami kapag natutulog.
"Siya ang nagpapakain sa amin kapag kumita siya ng pera. Pagkain ang hanap niya kapag may pera siya. Pansit ang paborito niya."
Patuloy ni Robert, “Ang kuwento sa amin ni Suzzette, anak siya ng hinete ng kabayo.
"Pinapalo raw siya ng latigo ng tatay niya kaya napadpad siya sa lugar namin, pero magkasundo sila ng nanay niya.
“Parating sinasabi ni Suzzette na pinapalo siya ng latigo kaya maraming latay sa kanyang likod at puwet. Pero kapag nakikita niya kami, masaya na siya.
"Nakita ko ang mga pasa niya sa katawan dahil minsan, magkasabay kami na naligo,."
Itinanggi ni Robert ang balita noong gumagamit ng mga ilegal na droga si Stella bago pa man ito natuklasan ng Seiko Films.
Pero inamin nitong sinasaktan ni Stella ang saril.
“Rugby at hindi illegal drugs ang gamit niya. Rugby, yung pandikit.
"Pagkatapos niyang gumamit ng rugby, umuuwi na siya sa lugar namin, naghihiwa na siya sa kanyang kamay,” sabi ni Robert, na nagpatunay sa kuwento na maraming marka ng hiwa sa pulso si Stella dahil sa dating bisyo nito.
Dagdag niya, “Tumaba si Suzzette nang tumigil siya sa paggamit ng rugby.
“Noong artista na siya ng Seiko Films, pinuntahan niya kami. Sinabi niya sumama raw kami sa kanya sa Seiko dahil maraming pagkain doon. Hindi raw kami magugutom.”

Ikinalungkot nang husto ni Robert ang balitang nagpakamatay ang kanyang kababata, pero hindi na siya nakapunta sa burol ni Stella sa Loyola Memorial Chapel sa Guadalupe, Makati City.
“Hindi na kami nakapunta sa burol ni Suzzette. Nagsimba na lang kaming magkakaibigan sa Quiapo Church,” aniya,
Nanghihinayang si Robert dahil nawala ang black-and-white picture nila ni Stella na kuha sa Luneta Park dahil isa ito sa mga ebidensiya na minsan sa isang panahon, naging kaibigan niya ang sex symbol na sumikat, hinangaan, at pinagpantasyahan ng mga kalalakihan pero namatay sa paniniwalang walang nagmamahal sa kanya.
Ang depresyon ay seryosong usapin.
May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon.
Katulad na lamang ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health.
Maaari silang tawagan sa mga sumusunod na 24/7 hotline:
0917 899 8727 (USAP); at 989 8727 (USAP)