"Manika ng mangkukulam" ang bansag ng production staff sa isang TV personality dahil sa ugali nitong hindi nila masikmura.
Inirereklamo ang TV personality ng kanyang mga kasamahan sa programa dahil sa hindi makataong asal at walang katapusang paglalagay niya ng makeup na isa sa mga dahilan ng pagkaantala ng kanilang trabaho.
"Makeup siya nang makeup pero wala naman nabago sa mukha niya na ibang-iba kapag walang makeup kaya manika ng mangkukulam ang tawag namin sa kanya," sumbong ng production staff tungkol sa TV personality.
Nakikialam din daw sa anggulo ng kamera at ilaw ang TV personality.
“Panay ang reklamo niyang madilim ang ilaw at pangit siya kapag pinatatayo siya sa ibang puwesto ng studio.
“One time, late siyang dumating sa studio. Wala pa siyang makeup at basa pa ang buhok niya. Sigaw siya nang sigaw dahil wala raw ilaw yung salamin.
“Walang pumapansin sa kanya dahil imbiyerna nga sa ugali niya kaya sumigaw siya ng ‘Ano ba iyan, parang wala akong kausap!'” dagdag na kuwento ng Cabinet Files source tungkol sa TV personality.
Madalas nakangiti sa harap ng kamera ang TV personality kaya walang mag-aakalang nagbibigay siya ng problema sa mga maliliit na manggagawa ng programa na kinabibilangan niya.
Hindi lamang ang pagkakaroon ng attitude ng TV personality ang inirereklamo ng mga katrabaho niya dahil inaayawan din siya ng mga baguhang empleyado ng network na kanyang pinaglilingkuran.
Nakapangliliit umano ang panghihiya na ginagawa ng TV personality sa mga baguhang nagsasawalang-kibo at nagtitiis na lamang dahil sa takot mawalan ng trabaho.