Best performance of the season ang paso doble dance ni Billy Crawford at ng kanyang kapareha na si Fauve Hautot sa November 4, 2022 episode ng Danse Avec Les Stars.
Siguradong kasali na ang Philippine pride sa grand finals sa November 11 ng sikat na dance competition sa France.
Sina Billy at Fauve rin ang nakakuha ng pinakamataas na puntos nang magsayaw sila ng rumba sa second round ng programa. Tatlo sa judges ang nagbigay ng perfect score na 10, habang isa naman ang nagbigay ng 9.
Ni hindi halata na may dinaramdam na lumbago o lower back pain ang Filipino singer/dancer/host.
Ang komento ng French ballet dancer at Danse Avec Les Stars judge na si Francois Alu, "You made us forget that you had back pain."
Biro ni Billy, "The back? I don’t know what it is anymore."
Pero inamin rin niyang nahirapan siya dahil bukod sa pagkakaroon ng back injury, nangungulila siya sa kanyang asawang si Coleen Garcia at sa kanilang anak na si Amari na umuwi na ng Pilipinas.
"It’s super hard. I’m in great pain. But I’m doing this because my wife and son have returned to the Philippines. It was for you,” ani Billy na inialay sa kanyang mag-ina ang pagtatanghal niya sa semi-finals ng Season 12.
Malaki ang posibilidad na si Billy ang tanghalin na grand champion sa finals, kaya tiyak na babalik sa France si Coleen at ang anak nila.
Umuwi ng Pilipinas si Coleen, bitbit si Amari, dahil sa dalawang importanteng okasyon na kailangan niyang daluhan.
"I’ve never spent a single night away from this boy so here we both are! Doing what we gotta do before we go through this all over again to watch Daddy kill it in the dals [Danse avec les stars] finals next week!” ang Instagram post ni Coleen tungkol sa ilang araw na pananatili nila ni Amari sa Pilipinas bago sila bumalik sa France para sa grand finals ng Danse Avec Les Stars.