Natuwa ang mga tagahanga ni Cogie Domingo nang mapanood ito sa bihirang pagkakataon sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga! nitong Lunes ng hapon, November 7, 2022.
Matagal nawawala sa sirkulasyon ang aktor.
Napatunayan ang husay ni Cogie sa pag-arte sa 2000 movie na Deathrow na pinagbidahan nila ng pumanaw na aktor na si Eddie Garcia kaya marami ang kumukumbinsi sa kanyang balikan na niya ang propesyong tinalikuran.
Naulila sa ama si Cogie noong December 2020 na kanyang labis na dinamdam, at isa ito sa mga sinasabing dahilan kaya hindi pa siya handang bumalik sa showbiz.
Ang ama ni Cogie ay si Atty. Rod Domingo.
Itinanggi ni Cogie sa interbyu ng Eat Bulaga! na isinantabi na niya ang pag-arte dahil hindi umano ito nawala sa kanyang puso.
“Yung showbiz, hindi na-set aside. Parang nandoon pa rin lagi sa heart ko yung pag-arte.
"One day, parang gusto kong bumalik sa pag-arte. Parang feeling ko, kaya kong ibalik yung dati,” sabi ni Cogie.
Aminado si Cogie na katuwaan lamang sa kanya ang pag-aartista noon hanggang magbago ang pananaw niya.
“You’re having fun pero hindi mo sineseryoso masyado until malaman mo na kailangan mo na pala talagang seryosohin, trabaho ito,” aniya.
Ipinagtapat ni Cogie na in born sa kanya ang pagiging artista dahil maliit na bata pa lang, umaarte na siya.
Tungkol sa mga aktor na itinuturing na heartthrobs at meron nang mga anak ang topic ng guesting ni Cogie sa "Bawal Judgmental." Nakasama niya rito sina Jao Mapa, Gio Alvarez, at Eric Fructuoso.
Naniniwala ang fans ni Cogie na magiging madali ang pagbabalik nito sa showbiz dahil may puwang sa industriya ang mga kagaya niyang may talento sa pag-arte, kasunod ang payong magbawas siya ng timbang para madagdagan ang kanyang tiwala sa sarili.