Nawala ang mataas na respeto ng isang government employee sa popular TV personality na may kagalang-galang na reputasyon dahil ginamit nito ang propesyon para makaiwas sa pagbabayad ng permit para sa bahay na ipinagagawa niya.
Nakatayo na ang bahay sa isang bayan sa Southern Luzon province nang mag-apply ng building permit ang TV personality.
Nang malaman nitong aabot sa P20,000 ang kailangan niyang bayaran sa government agency, naghanap at nagtawag siya ng mga kakilala o padrino na tutulong para mabawasan ang sisingilin mula sa kanya.
Nawalan ng gana ang government employee na nag-aasikaso sa papeles ng TV personality dahil sa inasal nito para makatipid sa gastos, kahit kasalanan niyang nakatayo na ang kanyang bahay nang kumuha siya ng building apartment.
Dismayado ang government employee dahil parehas, sumusunod sa batas, malaki ang malasakit sa kapwa lalo na sa mahihirap, at mabuting tao ang imaheng ipinakikita sa publiko ng TV personality, pero ibang-iba ang ugali nito sa tunay na buhay.
Base sa kanyang personal na karanasan, napatunayan ng government employee na walang ipinagkaiba ang “power tripper” na TV personality sa mga pulitiko na corrupt at ginagamit ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan.