Hindi naiiwasan ang mga problema sa mga live TV show kaya normal lamang na magkaroon ng mga hindi inaasahang pangyayari, tulad ng certified "Kapusa" na nakunan ng kamera ang kanyang “catwalk” habang nag-uulat si Mel Tiangco sa 24 Oras ng GMA-7 noong December 31, 2021.
Read: Pusang agaw-eksena sa live telecast ng 24 Oras, certified "Kapusa"
Kung umeksena ang pusa sa live broadcast ng 24 Oras, hindi nagpatalo at mas matindi ang ginawa ng dalawang aso sa insidenteng nangyari sa live telecast ng Unang Hirit, ang morning program ng GMA-7, kahapon, November 15, 2022.
Aktuwal na nakunan ang pagtatalik ng mga aso na isang istorya na puwedeng pag-interesan at patulan ng international press kapag napanood nila ang “only in the Philippines video.”
Nangyari ang insidente sa "This is Eat" segment ni Chef JR Royol nang ipakita nito ang kanyang panghuhuli ng hito sa isang malawak na palaisdaan sa Plaridel, Bulacan, at pagluluto niya ng crispy hito fillet.

Habang nagpiprito ng isda si Chef JR, nahagip ng kamera ang dalawang aso na biglang nagtalik at malinaw na napanood ng televiewers, na nagulantang sa kanilang eksenang nasaksihan na hindi papasa sa MTRCB.

Nagtaka ang manonood dahil hindi kaagad nagawan ng paraan ng cameraman na iiwas sa mga asong sinaniban ng kamunduhan ang kamera na kanyang hawak at tinutukan na lamang niya sana nang mabuti ang pagluluto ni Chef JR.
Bukod sa matatalas ang mga mata, mabibilis ang kamay ng televiewers dahil maagap sila sa pagre-record ng pangyayari na live na napanood sa isang TV program kaya kumalat na ito sa social media.
Matutunghayan sa YouTube channel ng GMA Public Affairs ang kontrobersiyal na episode ng Unang Hirit pero edited o burado na ang "lovemaking scene" ng mga aso, na walang kamalay-malay na "nalabag ang kanilang pribadong buhay" dahil live na napanood sa telebisyon ang kanilang ginawa.
Ang pagbura o pag-edit at pagpapalabas sa “sanitized version” ng video sa kanilang YouTube channel ang aksyon at pagtutuwid na ginawa ng GMA Public Affairs sa hindi inaasahang mangyayaring eksena ng mga aso.
Makikita sa comments section ng pinag-uusapan na episode ng Unang Hirit ang reaksiyon ng mga sutil na televiewers na nagpahayag ng pagkadismaya at panghihinayang dahil burado na nga ang hinahanap nilang intimate scene ng mga mapupusok na aso.
