Ang kagustuhan na makawala sa pagiging sexy star ang dahilan kaya nanginig ang boses at halos maluha si Rhen Escaño sa isang digital media conference na dinaluhan niya noong August 22, 2022.
Pero sa virtual conference kahapon, November 18, 2022, ng Secrets of a Nympho, paulit-ulit na sinabi ni Rhen na masaya na siya dahil natutupad na ang mga nais niyang mangyari sa kanyang acting career.
“Noong time na yun, too much lang siguro yung napi-feel ko.
"May ganoon talagang point sa buhay natin na sa gabi, bago ka matulog, may maiisip ka na, ‘Shocks, may mangyayari pa ba sa akin? Mapupunta pa ba ako sa stage na gusto ko marating?’” ang sagot ni Rhen nang itanong ng Cabinet Files ang kuwento sa likod ng kanyang madamdaming pahayag sa media conference noong August 2022.
“I think normal iyon sa lahat. Nandoon lang ako sa stage na iyon kaya medyo inilalaban ko rin.
“Napi-feel ko iyon from time to time na parang feeling ko, mawawalan ka talaga ng pag-asa. Ang tagal, ang bagal.
“Baka talagang hindi para sa akin pero dahil malakas din yung tiwala ko sa sarili at kakayahan ko, yun ang nakakapag-move forward sa akin para gawin yung mga gusto kong gawin.”
Mahigit sampung taon ang hinintay ni Rhen bago ito nabigyan ng mga proyekto.
Pero kahit nagbibida na siya sa mga pelikula at original series ng Vivamax, nararamdaman pa rin niya ang insecurity o kawalan ng seguridad.
“Talagang nasa point ako ng career ko na tinanggap ko na talaga na may mga tao talaga na mas mauuna [na sumikat] at mas mabibigyan [ng break].
“Iba-iba kasi. Hindi naman po puwede na sabay-sabay kayong lahat, so kanya-kanyang spotlight. Kanya-kanya na moment and hopefully, sana mabigyan ako ng chance na ma-experience din iyon,” sabi pa ni Rhen.
Inamin din niya na plano niyang bawasan ang pagpapaseksi kaya posibleng ang Secrets of a Nympho ang isa sa mga huling daring project niya.
“Honestly, nasa stage po ako ng career ko na mas gusto kong gumawa ng mga bagay na alam kong makakatulong sa akin.
“Siyempre po, tumatanda tayo so parang mas gusto ko na makita ako ng mga tao sa iba’t ibang bagay na may kaya naman akong gawin o makita ako sa ibang genre.
“Sa totoo lang po, happy ako ngayon kasi parang ang feeling ko, unti-unti kong nakikita na may maganda nang naidudulot yung sacrifices ko before and yung upcoming projects na gagawin ko, lalo na itong sisimulan ko this month.
“Masasabi ko nang finally, worth it kaya masaya po talaga ako ngayon.
“Alam ko na wala pa ako doon pero alam ko rin na kahit malayo pa, malayo na [ang narating].”