Kasama si McCoy de Leon sa cast ng Ang Panday, ang pelikulang pinagbidahan ni Coco Martin at official entry sa 43rd Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2017.
Pero ang Deleter ang itinuturing nitong una niyang pelikula na kasali sa 48th Metro Manila Film Festival sa susunod na buwan dahil medyo malaki ang ginagampanan niyang karakter dito.
Natutuwa si McCoy dahil nabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho ang direktor na si Mikhail Red at nakagawa siya ng isang pelikulang maaaring ipagmalaki sa buong mundo.
“Sobrang nakakatuwa kasi kung ano yung in-expect namin na resulta, nag-exceed pa nga nung makita namin yung trailer.
“Ako, magda-dubbing pa lang, excited na akong makita yung mga eksena. Nakakatuwa yung feeling at bonus na sa amin na nakasali pa sa MMFF.
“Gusto talaga namin na maging open ang ganitong genre sa ating mga kapwa Pilipino, at malaking chance itong MMFF. Talagang maipagmamalaki globally.
"Sabi nga ng friends ko, yung mga pelikula ni Direk Mikhail, pinapanood daw nila talaga kasi tumatatak.
"Kaya sobrang suwerte ko dahil may blessing na ganito para sa akin," saad ni McCoy.
Hinahangaan ni McCoy ang pagiging mapagbigay at ang kababaang-loob ni Mikhail dahil sa mga impormasyong ibinabahagi nito sa kanila tungkol sa paggawa ng pelikula.
At para maidugtong lang ang pamagat ng pelikula sa personal na buhay ni McCoy, tinanong ito ng mga dumalo sa face-to-face media conference ng Deleter tungkol sa bahagi ng kanyang buhay na gusto niya na i-delete o burahin.
"Wala," sagot ni McCoy.
Pero nagpahayag ang aktor ng panghihinayang dahil hindi niya naipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
“Walang idi-delete kasi alam ko na nangyari ito, may reason.
“Isa na yung naging malakas ka, may natutunan ka kasi kung sakaling pagsisihan mo na hindi mo naranasan yun, mas mahirap yun, mag-i-struggle ka. Itse-cherish ko itong present kaya wala akong pinagsisihan.
“[Kung meron man] Siguro, maliit na bagay. Sana pinursue ko yung school [pag-aaral] ko,” sabi ni McCoy.