Ang veteran entertainment reporter na si Mario Dumaual ang tumanggap ng Joe Quirino Award sa 5th EDDYS Awards na ginanap sa Metropolitan Theater noong November 26, 2022.
Ito ay para sa kanyang mga hindi matatawarang kontribusyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Read: Charo Santos and Christian Bables win top acting honors at 5th EDDYS
Nagsimula ang entertainment writing career ni Mario sa Journal Group of Companies noong 1982, at nag-umpisa naman siya bilang manggagawa sa News Department ng ABS-CBN noong 1987.
Sa kanyang acceptance speech, hindi siya nakalimot pasalamatan ang mga taong naging bahagi ng buhay at propesyon niya.
“Nagpapasalamat ako sa Eddys. Napakaimportanteng parangal po ito dahil galing ito sa mga kasamahan ko trabaho mula noon hanggang ngayon kaya I humbly accept this,” pasasalamat ni Mario.
Kinilala rin niya ang mga tulong at paggabay sa kanya ng mga editor na nakatrabaho niya noong nagsusulat pa siya para sa Parade Magazine at mga pahayagan ng Journal Group of Companies—sina Nestor Cuartero, Thelma Sioson San Juan, Rosita Medenilla, at ang pumanaw na editor na si Alfred Marquez.
Mula sa pagsusulat sa nabanggit na kompanya, lumipat si Mario sa ABS-CBN noong 1987.
Kahit wala na itong prangkisa, nananatili siyang matapat sa Kapamilya Network na ayon sa kanya ay nagdaraan pa rin hanggang ngayon sa "langit at impiyerno."
Pahayag niya: “Nagpapasalamat po ako lahat sa kanila, gayundin sa ABS-CBN, sa kabuuan ng ABS-CBN, na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin sa langit at impiyerno na pinagdaraanan.
"So, ibinabalik ko ang karangalang ito sa inyong lahat at sa lahat ng kasamahan ko sa panulat at sa telebisyon."
Ang People’s Journal entertainment editor na si Eugene Asis ang kasalukuyang pangulo ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd). Sa ilalim ng kanyang liderato, naging matagumpay ang 5th Eddy Awards.
Eugene Asis with Charo Santos
Hindi lamang entertainment editor si Eugene dahil direktor din siya ng mga pelikula. Ang Onsehan at Sabayan sa Laban ang mga naging proyekto niya sa Regal Films noong 2001 at 2002.
Bago pinagkatiwalaan ng Regal Films na gumawa ng pelikula, nagtrabaho si Eugene bilang assistant director ng mga blockbuster sexy movie ng Seiko Films.
Nakatulong ang pagkakaroon ni Eugene ng malakas na pulso sa mga gusto ng publiko, ang mga karanasan niya bilang direktor, at ang kanyang magagandang idea kaya naging matagumpay ang pagtatanghal ng 5th EDDYS.