Hindi tumagal ng dalawang araw ang pananatili sa Pilipinas ng Thai superstars na sina Urassaya “Yaya” Sperbund at Nadech Kugimiya.
Dumating sila sa bansa noong Linggo, December 4, 2022, para sa fan meet event nila sa New Frontier Theater.
Kahapon, December 5, bumalik na sila sa Bangkok, Thailand, baon ang magagandang alaala at mainit na pagtanggap sa kanila ng Pinoy fans.
Naging popular search sa Philippine social media sina Yaya at Nadech kaya hindi maipagkakailang nadagdagan ang kanilang mga tagahanga dahil sa pulidong pagkanta nila sa "Ikaw," ang hit song ni Yeng Constantino.
Tumanggap ng mga papuri ang bersiyon nina Yaya at Nadech sa "Ikaw" na ibinahagi rin nila sa kanilang mga social media account.
Ikinuwento ni Nadech sa naganap na fan meet ang tensiyong naramdaman habang nag-eempake siya ng kanyang mga gamit para sa biyahe nila ni Yaya sa Pilipinas dahil nawawala ang passport niya.
Lahad niya, “This is a real fun fact. I was packing myself to come to Manila.
“I’ve been packing everything, my clothes, like two or three days before and then last night, I was looking for my passport.
“And what I found is my expired passport. So I was, like, 'Where the hell is my new passport?' I’ve been looking around the house, I was so stressed.
“I called my agent, then he was, like ‘Oh, your passport is with me.’
“Oh yes! Finally! Otherwise, I won’t have the chance to see you [Filipino fans] tonight.
"This is fun now but at that moment, it was not fun at all."
Hindi naiwasan ni Nadech na hindi kabahan dahil dalawang beses na hindi natuloy noong April 2020 at July 2020 ang pagbisita nila ni Yaya sa Pilipinas, bunga ng coronavirus pandemic.
Ramdam na ramdam nina Yaya at Nadech ang pagmamahal sa kanila ng mga Pilipino na matiyagang naghintay sa pagdating nila sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport kahapon para sabihan lamang silang mag-ingat sa biyahe.