Umuwi ng Pilipinas si Aneeza Gutierrez para makapiling sa Pasko at Bagong Taon ang kanyang pamilya.
Pero babalik siya sa Singapore dahil ang pag-aaral at ang part-time job niya sa isang Japanese restaurant ang kanyang prayoridad.
Si Aneeza ang panganay na anak nina Glydel Mercado at Tonton Gutierrez na ipinakikilala sa That Boy In The Dark, ang launching movie ni Joaquin Domagoso.
Dahil naririto siya sa Pilipinas, dumalo si Aneeza sa media conference ng That Boy In The Dark noong December 30, 2022, at dito niya ipinahayag na matatagalan bago siya gumawa ng pelikula dahil ang makatapos ng pag-aaral sa ibang bansa ang kanyang pangarap.
Reluctant actress si Aneeza dahil tumanggi siyang tanggapin ang alok na maging bahagi ng That Boy In The Dark, pero ayon sa kanyang mommy, nagbago ang kanyang isip nang mabasa niya ang script.
Kuwento ni Glydel, "Nung first time na in-offer ni Daddie Wowie [Roxas, producer ng That Boy In The Dark] kay Aneeza yung karakter ni Ellie sa That Boy In The Dark, ayaw niya talaga.
"Sabi niya, ayaw raw niyang maging artista kasi nahihiya raw siya.
"So sabi ko sa kanya, ‘Sige, kung ayaw mo, basahin mo na lang yung script para malaman ko kung ano yung role ko.’
"Sa kanya ko ipinabasa ang role ko sa script. Ang binasa pala niya, yung karakter niya dapat.
"Pagbalik niya sa akin after an hour, sabi ko, ‘Kumusta yung lines ko? Marami ba akong scenes?’
"Sabi niya, ‘Mom, I love the role of Ellie! I like it!’
"Sabi ko, ‘Akala ko ba ayaw mong mag-artista? Tatawagan ko na ba si Daddie Wowie na oo na?’
"Sabi niya, 'But I'm shy.’
"Sabi ko, I will help you… yung lines niya kasi puro Tagalog.’
"So tinawagan ko si Daddie Wowie, sabi ko ‘Okay na si Aneeza para sa role ni Ellie.”
Kahit na reluctant siya nung una, itinuturing ni Aneeza na isang magandang karanasan ang pagiging bahagi ng cast ng That Boy In The Dark dahil mahuhusay ang co-stars niya, ang kanyang ina, sina Joaquin, Kiko Ipapo at Lotlot de Leon.