Ramdam na ramdam at kitang-kita ng production staff ng isang TV show ang pagbabago ng ugali ng showbiz personality mula nang mabigyan ito ng sunud-sunod na projects ng kanyang home studio.
Mainstay ng weekly program ang showbiz personality na tila naniniwalang sikat na sikat na ito dahil sa mga demand sa production staff na bigyan siya ng mas mahahabang spiels at solo exposure kesa sa ibang mga kasamahan niyang di-hamak na mas sikat at higit na magaling kesa sa kanya.
Wala pang napatutunayan sa entertainment industry ang showbiz personality, pero kahit noong baguhan pa ito, naramdaman agad ng mga tao sa kanyang paligid na magbibigay siya ng problema kapag nakatikim ng katiting na kasikatan.
Hindi sila nagkamali ng hinala dahil nangyayari na ito ngayon.
Kung nagiging pasaway ang showbiz personality, mas pasaway ang production staff na hindi sineseryoso at pinagtatawanan lamang ang kanyang feeling sikat na ugali.
Mahirap bigyan ng solo exposure at sariling segment sa TV show ang showbiz personality.
Bukod kasi sa hindi mahusay magsalita, nagpapanggap siyang magaling sa American language pero makapaninidig-balahibo ang mga mali-maling grammar niya kaya napapagod at nauumay ang televiewers sa panonood sa kanya.
Walang puwang sa entertainment industry ang mga artistang hindi marunong makisama at may matitinding problema sa pag-uugali.
Kung hindi magpapakabait ang showbiz personality, hindi imposibleng sandaling panahon na lamang ang kanyang itatagal sa propesyong nagpaganda sa takbo ng buhay niya.