Hindi pinalad si Dolly de Leon na magwagi sa Best Supporting Actress In A Motion Picture category ng 80th Golden Globe Awards, pero panalo pa rin siya sa paningin ng ating mga kababayan dahil ang 53-year-old Philippine pride ang kauna-unahang Pilipino na nagkaroon ng nominasyon sa nirerespetong award-giving body ng Hollywood Foreign Press Association.
Na-nominate siya para sa kanyang pagganap sa Cannes 2022 Palme d'Or winner na Triangle of Sadness.
Read: Dolly de Leon nabs nomination for Best Supporting Actress in Golden Globes 2023
Si Angela Bassett, na gumanap na Sovereign Queen Mother of Wakanda sa Black Panther: Wakanda Forever, ang tinanghal na Best Supporting Actress sa 80th Golden Globe Awards na kasalukuyang nagaganap sa The Beverly Hilton sa Beverly Hills, California, USA.
Si Jennifer Hudson ang presenter ng Best Supporting Actor at Best Supporting Actress For Motion Picture winners na unang kategorya na tinawag kaya hindi nainip sa paghihintay at panonood ang mga Pilipino na maligayang-maligaya nang makita si Dolly sa red carpet ng 80th Golden Globes.
Hindi man siya nanalo, umaasa ang mga tagasuporta ni Dolly na magkakaroon ito ng nominasyon sa best supporting actress category ng 95th Academy o Oscar Awards na nakatakdang isapubliko sa January 24, 2023, para sa kanyang pagganap sa Triangle of Sadness.
Si Dolly ang best supporting performer winner ng 2022 Los Angeles Film Critics Association Awards, at kahati niya sa parangal si Ke Huay Quan mula sa pelikulang Everything Everywhere All At Once.
Read: Dolly de Leon reacts to recognition from Los Angeles film critics
Si Ke Huay Quan ang Best Supporting Actor winner ng 80th Golden Globes.
Magkasama sila ni Dolly na pararangalan sa annual banquet ng Los Angeles Film Critics Association sa January 14.
Bukod sa nominasyon sa 80th Golden Globes, nominado si Dolly sa best supporting actress category ng London Film Critics Circle, San Francisco Bay Area Film Critics Circle, kasama ang kanyang pangalan sa longlists ng British Academy of Film and Television Awards (BAFTA), at runner-up sa National Society of Film Critics.
Read: Dolly de Leon, napansin ng National Society of Film Critics Awards at BAFTA