Hindi pinalad na magwagi ang Philippine representative na si Mark Avendaño pero tumanggap pa rin ito ng parangal dahil ang national costume niya ang nagwagi sa 8th Mister Global na ginanap kagabi, February 11, 2023, sa Royal Park Rajapruek sa Chiang Mai, Thailand.
Hinangaan at pinuri ang national costume ni Avendaño na nagbigay-pugay sa jeepney, ang itinuturing na tunay na hari sa mga lansangan ng Pilipinas.
Concept ni Waway Tribu ang national costume ni Avendaño samantalang sina Richard Barretto, Dendridge Alvarez, Enzo Supeda, at Nicole Futari ng Hitomi’s Creation ang mga nagdisenyo sa umiilaw na jeepney kaya agaw-atensyon.

“The King of the Road will bring you to a memorable journey.
“This national costume is the testament of true Filipino ingenuity, symbolizing its clever creativity and inventive originality from an old war vehicle turned into a people friendly transport with flamboyant decorations showcasing resilience and hope.
“Beep! Beep! Beep! Here comes the jeepney! Bringing the Filipino culture and hospitality to the extraordinary global journey!” ang pagsasalarawan ni Waway Tribu sa unique national costume ni Avendaño na gawa sa water lily, water hyacinth, kawad, at rubber foam.
View this post on Instagram
Tatlumpong kilo ang bigat ng jeepney costume na inilagay sa apat na malalaking kahon. Pero sa araw ng kanilang pag-alis sa Pilipinas, nagkaroon ng problema si Waway Tribu at ang kanyang mga kasama kaya naantala ang pagpunta nila sa Chiang Mai.
“Apat na boxes po ang dala namin at dito [sa Chiang Mai] na in-assemble ang costume.
“Supposed to be po, February 2 ang alis namin sa Pilipinas papunta sa Thailand pero nagkaroon po ng problema sa immigration ang Glam Team ni Mark.
“Nag-rebook po kami ng flight ng February 9 na umaga ng preliminary competition ng Mister Global kaya blessing na nakaabot kami,” kuwento ni Waway tungkol sa kanilang nakakatensyon na biyahe.
Pero sa kabila nito ay nagkaroon naman ng magandang kapalit dahil si Avendaño ang nagwagi sa National Costume competition.
Nagpapasalamat si Waway at ang kanyang mga kasama kina Mister International Philippines (MIPH) Managing Director Ameer Amir, MIPH National Director Atty. Manuel Deldio, House Representative Len Alonte Naguiat, Biñan Mayor Arman Dimaguila, Jr., Biñan Vice-Mayor Gel Alonte, Sta. Rosa City Mayor Arlene Arcillas, at Laguna Vice-Governor Karen Agapay.
Ang mga taong ito ang tumulong sa kanila para makapunta sa Chiang Mai kaya personal na naasikaso nila si Avendaño (na mula sa Biñan, Laguna) sa pagbibihis nito para sa National Costume competition ng 8th Mister Global.