Dahil sa social media app na TikTok, muling lumitaw, sumikat at naging viral ngayong 2023 ang dance challenge ng "Paligoy-ligoy," ang old single ni Nadine Lustre na ni-record nito noong 2014 para sa soundtrack ng Diary ng Panget, ang launching movie ng loveteam nila ng kanyang ex-boyfriend na si James Reid.
Noong nakaraang buwan, umabot sa 41 million ang hashtag views sa TikTok ng "Paligoy-ligoy" na meron nang 701,000 video variations at uploads.
Bukod sa TikTok, madalas din na pinatutugtog sa radio AM at FM stations ang kanta ni Nadine na hindi masyadong pinansin nang unang i-release noong 2014.
“She’s happy. She has a hit song, 'Paligoy-ligoy.'
"Parang 'Tala' na matagal nang na-record pero naging hit ngayon because of TikTok, so I guess we found love the second time around between Viva and Nadine.
"Haping-happy kaming lahat at happy rin siya,” ang sabi ni Viva Communications Chief Executive Officer Vincent del Rosario tungkol sa bagong tagumpay na tinatamasa ngayon ni Nadine at ng lumang kanta nito.
Nagkaroon noon ng lamat ang magandang relasyon ng magkabilang-panig nang subukan ni Nadine na umalis sa Viva sa kabila ng exclusive contract na kanyang pinirmahan pero nagkaayos sila kaya bumalik sa dati ang maayos na relasyon nila.
Nagkaroon si Nadine ng hit movie nang magbalik siya sa Viva, ang Deleter, ang top-grosser sa Metro Manila Film Festival 2022 at sa hindi maipaliwanag na dahilan, sumikat at tinangkilik nang husto ng publiko ang lumang kanta niya kaya maganda ang takbo ng kanyang career ngayong 2023.
“Very conscious siya na i-establish ang sarili niya as independent. Even yung mga project na pinipili niya, medyo nasa edgy side like Greed, Deleter at yung gagawin niya with Rae Red.
“Hindi siya masyadong reliant sa romance or loveteams. Magaling siya, creatively. Naiintindihan niya how to evolve in this business.
“Magaling siya. Alam niya yung gusto niya,” ang mga papuri ni Vincent kay Nadine na nabigyan ng pangalawang pagkakataon sa entertainment career.
Dahil dito, pinahahalagahan niya ito nang husto kaya mapupuna ang magandang pakikitungo ng 29-year-old actress sa lahat ng mga tao na kanyang nakakasalamuha.